Edad 12-17 na dumanas ng COVID-19 vaccine side-effects sa 'Pinas 0.27% lang
MANILA, Philippines — Sa dami ng mga menor de edad na nabakunahan laban sa COVID-19, kakarampot pa rin sa kanila ang mga nakaranas ng mga adverse event following immunization (AEFI).
Sa mga nababakunahang 12-17 taong gulang simula nang umarangkada ang pediatric vaccination, tanging 59 lang ang nakaranas ng side-effects mula sa COVID-19 vaccines.
"Latest data na nakuha po, it's about .27% out of all these adolescents na nabakunahan natin as of November 2," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Biyernes.
"Ito po ay mag-translate to about 59. Most of these were minor incidents, lagnat, pain in the injection site, headache."
Sa computation ng Philstar.com, lumalabas na 21,851 na lahat-lahat ng menor de edad na nabakunahan kung 0.27% lang ang nakaranas ng side-effects mula sa bakuna.
Ika-3 ng Nobyembre nang magsimulang umarangkada ang pagbabakuna sa lahat ng mga batang 12-17 mula sa kahit na anong sektor, bagay na sinimulan bago ang pagbabalik ng mga harapang klase sa mga piling elementarya't hayskul sa Pilipinas.
Bago ito, tanging mga may comorbidities mula sa naturang age group lang ang mga pinapayagang mabakunahan ng Pfizer at Moderna na pinapayagan para sa mga bata.
Meron ding ilang nakaranas ng "serious" AEFIs mula sa mga nabakunahang bata, ngunit napakaliit lang nito at agad ding naagapan.
"Meron po tayong tatlo na serious... Dahil po sa allergies, binigyan sila ng Epinephrine. They were managed and they were well after," wika pa ni Vergeire.
"Wala po tayong deaths, ito po 'yung mga nangyari ano: 59 cases [ang nagka-side effects], tatlo po 'yung serious [side-effects]. 'Yung tatlo po, all were managed and they were able to go home after."
Sa huling taya ng Department of Health nitong Huwebes, aabot na sa 2,795,642 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na ang 43,825 sa bilang na 'yan.
- Latest