Nagbago ihip ng hangin: Lacson-Sotto hindi na itutulak 'death penalty' sa 2022 campaign

Makikita sa file photo na ito na naka-face mask laban sa banta ng COVID-19 ang ilang preso
File

MANILA, Philippines — Ibang tono na ang inaawit ng magkatambal na standard bearers ng Partido Reporma at Nationalist People's Coalition pagdating sa parusang kamatayan.

Ito ang ibinahagi nina 2022 presidential at vice presidential aspirants Sen. Panfilo "Ping" Lacson at Sen. Vicente "Tito" Sotto III, Huwebes —  kahit na ilan taon nilang itinulak sa loob ng Senado ang pagsasabatas ng parusang kamatayan.

"In the course of time, nagbago po 'yung kanyang [Sotto] pananaw. Ako, ganoon din. I'm also a convert [against death penalty]," paliwanag ni Lacson sa isang media forum kanina.

"Namulat 'yung aking kaisipan na mas importante na ma-save 'yung buhay ng isang inosente na na-convict kaysa doon sa mag-execute tayo doon sa talagang convicted at talagang napatunayang nagkasala. Noong tinimbang ko 'yun, tingin ko mas matimbang ma-save 'yung wrongly convicted."

Wika ni Lacson, labis na nakapagpabago ng kanyang isip ang pelikulang "The Life of David Gale" sa Netflix, isang kwento tungkol sa aktibistang sinet up ang sariling makulong kahit walang sala upang mapatunayang nabibitay ang mga inosente.

Ilan sa mga krimeng isinasali noon ni Lacson sa kanyang mga panukala nagbabalik sa bitay ang mga guilty sa pandarambong (plunder) at iba't ibang karumal-dumal (heinous) na krimen.

"Iwi-withdraw ko 'yung aking ifinile na bill kung nandiyan pa 'yan. Iba na, iba na 'yung pananaw ko riyan," patuloy ni Lacson, na pinupuntirya ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno ng Pilipinas.

Nitong Setyembre 2021 lang nang sabihin ni Sotto sa ONE News na itutulak nila ng running mate na si Lacson ang pagbabalik ng death penalty sa Pilipinas para sa mga drug lords at high-profile traffickers.

Kung hindi bitay, anong alternatiba?

Imbis na parusang bitay, ipinaliwanag ni Sotto na nakahanap na sila nang mas maiging solusyon sa problema: ang pagtatayo ng hiwalay na national penitentiary para sa mga high-level drug traffickers at heinous criminals.

Nais din daw nilang tanggalin sa Muntinlupa ang national penitentiary kung papalaring manalo sa 2022 at gagawing regional, bagay na maaari raw simulan sa antas ng Luzon, Visayas at Mindanao.

"Based on studies and research... ang isang convict... 'pag pinasok na sa kulungan at hindi na dinadalaw sa kulungan, diyan na nag-uumpisang nagloloko. Kung anu-ano nang kalokohan ang papasukan, papasok sa gang, hanggang droga, lahat," dagdag pa ni Sotto.

"Pero 'pag dinadalaw ng pamilya ay ayos siya. Ay papaano dadalawin 'yung taga-Sultan Kudarat sa Muntinlupa? Baka taga-Negros lang hindi makapunta."

Taong 1992 pa lang ay isa na sa mga naunang panukalang batas na inihain ni Sotto sa Senado ang pagbabalik ng death penalty, bagay na matinding pinag-awayan sa lehislatura.

"Mga dalawa, tatlong taon naming dinedebate sa Senate 'yon... Maganda 'yung mga position ko noon, pero maganda rin 'yung position nila eh, 'yung mga kumokontra," dagdag ni Sotto, na tumatayong Senate president ngayon.

"'Pag inisip mo nang mabuti, tama sila eh."

Show comments