COVID-19 'curfew hours' sa Kamaynilaan wala nang bisa simula bukas
MANILA, Philippines — Mapapawalangbisa na ang curfew sa Kamaynilaan na unang ibinaba bilang pagsusumikap ng gobyerno na makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), pagbabahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ang ibinahagi ni MMDA chair Benhur Abalos sa isang pahayag matapos pagkasunduan ng 17 Metro Manila mayors ang isang resolusyong epektibo bukas, ika-4 ng Nobyembre, sa National Capital Region.
"The lifting of curfew hours in Metro Manila will help spread out influx of people coming to and from malls to further reduce the risk of virus’ transmission," ani Abalos, Miyerkules.
Ang MMDA Resolution 21-21, na papawi sa unified curfew hours mula hatinggabi hanggang 4 a.m., ay magbibigay daw ng sapat na oras sa mga mall goers at mga empleyado nito na makauwi lalo na't in-adjust ang operating hours ng mga naturang establisyamento.
Nagkaisa raw kasi ang mga may ari ng mall na isuog ang kanilang operating hours hanggang 11 p.m., imbis na sa dating 10 p.m., para mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila lalo na't paparating ang Kapaskuhan.
"The Metro Manila mayors have agreed to lift the curfew hours in the metropolis," dagdag pa ni Abalos sa pahayag.
"But we will respect the implementation of curfew on minors based on existing ordinances of the respective [local government units]."
Kasabay ng pagpapaubaya ng curfew sa mga menor de edad sa mga pamahalaang lokal, kasama na rin sa responsibilidad ng huli ang pagpapatupad ng COVID-19 health protocols at minimum public health standards gaya ng pagpapasuot ng face shields, face masks at pagpapatupad ng physical distancing.
Sa huling ulat ng Department of Health nitong Martes, umabot na sa 2.79 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa. Patay na ang 43,276 sa kanila ngayon. — James Relativo at may mga ulat mula kay Franco Luna
- Latest