MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na rin umano ng Department of Health (DOH) ang posibleng vaccination kontra COVID-19 sa mga bata na mas bata pa sa 12-taong gulang makaraang mag-umpisa na ito sa mga adolescents.
“Yes, considering nasa ibang bansa na below 12 [years old]. Hihintayin natin ang resulta ng pag-aaral,” ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
Base ito sa pag-apruba na ng United States-Food and Drugs Administration (FDA) na magamit ang bakuna mula sa Pfizer at BioNTech para sa mga bata na may edad 11 hanggang limang taong gulang.
Sa inisyal na pag-aaral sa ibang bansa, hindi tulad ng mga adults at adolescents, kailangan lamang na iturok sa mga bata ang 1/3 ng dosage ng bakuna kontra COVID-19.
Sa kasalukuyan, mga kabataan mula 12-17 taong gulang na may comorbidities pa lamang ang binabakunahan ngunit uumpisahan na ito sa lahat ng adolescents sa Nobyembre 3.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang tinatayang 12.7 milyong adolescentes sa unang quarter ng 2022. Sa ngayon, may 23,727 pa lamang na kabataan na may comorbidity ang nababakunahan.