Plastic barrier sa PUVs, aalisin na – DOTr

MANILA, Philippines — Hindi na nire-require ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang paglalagay ng plastic barriers sa loob ng mga public utility vehicles (PUVs) bilang dibisyon ng mga pasahero.
Ito’y matapos itaas na sa 70% seating capacity ang mga PUV.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary for road transport Mark Steven Pastor, maaari nang alisin ng mga drivers at operators ang mga naturang plastic barrier sa kanilang pamasadang sasakyan dahil wala namang medical findings na nagsasaad na epektibo ito para maiwasan ang hawaan ng virus sa mga pasahero.
Maaari pa nga raw panggalingan ng virus ang mga nakakabit na plastic barrier.
“Drivers and operators can already remove them because there are no medical findings, based on our studies, that they can prevent the spread of COVID-19. Instead, the virus could stick to them,” pahayag pa ni Pastor sa isang pulong balitaan kamakailan.
Sa kabila naman nito, sinabi ng opisyal na dapat pa ring istriktong ipatupad ang umiiral na health safety standards sa lahat ng pampublikong transportasyon para maiwasan ang transmission ng COVID-19.
Matatandaang noong Hulyo 3, 2020 ay pinayagan na ng pamahalaan ang pagbiyahe ng mga jeepney at mga bus ngunit inatasan ang mga driver na maglagay ng plastic barriers upang hindi magkadikit-dikit ang mga pasahero.
- Latest