MANILA, Philippines — Inihayag ng bagong tatag na Reform Party na susuportahan nito ang kandidatura sa pagkapangalawang-pangulo ni Sen. Christopher “Bong” Go sa 2022 elections.
Kasabay nito, nakipag-alyansa ang Reform Party sa ruling Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan.
Sinabi ni dating Magdalo member at Reform Party leader James Layug na ang alyansa ay upang masiguro na magpapatuloy ang mga programa at legasiya ng Duterte administration, kabilang ang kampanya laban sa droga, kriminalidad at katiwalian.
Ayon kay Layug, ang Reform Party na may 80,000 miyembro sa buong bansa ay nakadiin o suportado ang vice presidential bid ni Go.
Ito ay sa kabila aniya na ang partido ay nasa proseso pa rin ng paghahanap ng bagong lider ng bansa na magiging katuwang nila sa pagtataguyod ng reporma.
Bilang tugon, idiniin ni Go ang kanyang pangako na patuloy na isusulong ang interes ng mga Filipino.
Nangako si Go na siya ay magiging “working vice president” kapag siya ang inihalal ng sambayanang Filipino sa darating na halalan.
Sinabi ni Go na ang mga programang magaganda, mga Build Build Build, kampanya laban sa kriminalidad, korapsyon at iligal na droga ay dapat na maipagpatuloy.
Marami pang indibidwal at grupo na nagpahayag ng suporta sa vice presidential bid ni Go.
Ang grupong Dugong Dakilang Samahan na pinamumunuan ni Greco Belgica, dating chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission, ay suportado ang kandidatura ni Go.
Nangako rin si Governor Hermilando Mandanas na bibitbitin sa Batangas ang kandidatura ng senador.
Matatandaan na si Go ang top choice sa mga vice presidential candidate sa isinagawang Quarter 3 survey ng Publicus Asia noong October 11 hanggang 18, batay sa nakuhang 23.6 percent ng senador.