^

Bansa

De Guzman sinagot pag-ayaw ni Isko Moreno sa agarang pagtapos sa kontraktwalisasyon

James Relativo - Philstar.com
De Guzman sinagot pag-ayaw ni Isko Moreno sa agarang pagtapos sa kontraktwalisasyon
Litrato nina 2022 presidential aspirants Ka Leody de Guzman (kaliwa) at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso
Mula sa Facebook page ni Leody de Guzman; The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Na-bad trip ang isang 2022 presidential candidate at ilang manggagawa sa pahayag ng isa pang tumatakbo sa pagkapangulo dahil sa plano ng huli pagdating sa ipatutupad na labor policy kung papalaring manalo.

Huwebes kasi nang sabihin ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na hindi niya uunahin ang regularisasyon ng mga manggagawa kapag nagwagi sa 2022 national elections.

"['Yung] 'middle class' na 'batang Tondo' na may P70M sa SALN ay nakalimot na sa mga problema ng milyon-milyong kontraktwal na manggagawa," banat ni 2022 presidential candidate Ka Leody de Guzman kay Domagoso, Biyernes.

"Ang trabaho ay dapat sapat at may dignidad. Di sila nagtatrabaho para payamanin lamang ang mga bilyonaryo, ginagawa nila ito upang buhayin ang kanilang mga pamilya. Magkasabay dapat na resolbahin ang kawalan ng trabaho, nakabubuhay na sahod at seguridad sa trabaho."

Si De Guzman, na chair ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ay kilalang labor rights activist at dati ring nagtrabaho bilang factory worker mismo.

Nasa isang basket factory si Domagoso nang sabihin sa media na wala pa sa isip niya ang pagbabasura ng kontraktwalisasyon kung siya'y mananalo, bagay na magbibigay sana ng seguridad sa trabaho, benepisyo at karapatang mag-unyon sa mga empleyado.

"That's the least of my problems [contractualization]. What I want is for you to have jobs: temporary [and] immediate," banggit ni Domagoso kahapon sa reporters.

"Basta maghanap-buhay ka muna. Kapag umuunlad na tayo, balikan natin 'yung issue na 'yun."

Aniya, pwede raw ang regularisasyon kapag "maayos na ang sitwasyon ng bansa." Bagama't kinakailangang gawing regular sa ilalim ng batas ang mga manggagawang nagtratrabaho matapos ng anim na buwan, maraming trabaho ang hindi sumusunod diyan.

Ilang kumpanya ang sinasadyang i-renew nang i-renew lang kontrata ng isang manggagawa kada ilang buwan (end of contract o ENDO) para hindi magbigay ng buong benepisyo. Ilan sa ginagawang palusot dito ng employers ay ang "contracting" at diumano'y "project based" work, kahit parte ng core business.

Pagbasura sa 'ENDO' bilang plataporma

Kapag nananalong presidente sa 2022, sinabi ni De Guzman na isa sa uunahin niya ang pagbabasura ng kontraktwalisasyon at pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.

"Ang aking unang hakbang ay isang Executive Order na magbabalangkas ng ating bagong Labor First Policy," sambit niya sa Twitter kanina.

"Lalamnin nito ang pagwakas sa lahat ng anyo ng kontraktwalisasyon, agresibong job creation program at P750 national minimum wage bilang unang hakbang patungong Living Wage."

Aatasan din daw ni De Guzman, isang self-professed "socialist," ang Konggreso para i-harmonize at alisin ang "lahat ng butas" ng mga batas paggawa alinsunod sa bagong polisiya.

Taong 2019 nang ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-ENDO bill, sa dahilang "dapat payagan ang lehitimong job-contracting" na "hindi ikakaargabyado ng mga empleyado."

KMU imbyerna rin kay Isko

Nanggalaiti rin ang isang labor group dahil sa mga pinagsasabi ni Domagoso, lalo na't kasuklam-suklam na raw ang kontraktwalisasyong umiiral sa Pilipinas.

"Ang kontraktwalisasyon ang iskemang nagpapahirap sa aming mga manggagawa. Ito ang dahilan ng mababang sahod at kawalan ng trabaho. Sinusuka namin ang sistemang ito!" wika ni Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

"Dapat ipaalala sa mga kumakandidato ang mahalagang papel sa lipunan ng mga manggagawa. Kami ang lumilikha ng yaman ng bansa ngunit hindi kami prayoridad ng gobyerno."

Aniya, frontliners din ngayong COVID-19 pandemic ang mga manggagawa maisalba lang ang "naghihingalong ekonomiya" kung kaya't makatwiran lang na mabigyan sila ng ayuda, regularisasyon at pagtataas ng sahod.

"Hinahamon namin ang lahat ng tumatakbo sa parating na halalan na makipagusap sa aming mga manggagawa nang malaman ninyo ang aming kalunos-lunos na kalagayan," pagtatapos ni Adonis.

2022 NATIONAL ELECTIONS

ISKO MORENO

KILUSANG MAYO UNO

LABOR RIGHTS

LEODY DE GUZMAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with