MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3,694 bagong infection ng coronavirus disease, Huwebes, kung kaya't nasa 2,772,491 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 2,772,491
- nagpapagaling pa: 49,835, o 1.8% ng total infections
- bagong recover: 3,924, dahilan para maging 2,680,081 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 227, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 42,575
Pilipinas 'worst place to be in COVID' uli
-
Nananatili ang Pilipinas sa pinakakulelat na pwesto sa COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg, matapos iranggo ng nabanggit ang bansa sa 53 bansa.
-
Pinalagan naman ng Department of the Interior and Local Government ang assessment na ito ng Bloomberg sa COVID-19 situation ng Pilipinas, dahilan para tawagin nilang "biased" at "unfair" ang rankings.
-
Aabot sa 976,950 doses ng Pfizer COVID-19 vaccines ang lumapag sa NAIA Terminal 3, Pasay nitong Miyerkules ng gabi, bagay na nagtataas sa kabuuang suplay ng naturang brand sa Pilipinas sa 27.31.
-
Papalo naman sa 896,000 donasyong AstraZeneca COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas kaninang tanghali sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1. Bahagi lang ito ng kabuuang 1.96 milyong doses na ipapadala ng mga Hapon sa bansa.
-
Nabakunahan naman na laban sa COVID-19 ang nasa 23,727 menor de edad laban sa nakamamatay na virus. Ito ang sabi ng DOH bago ang magaganap na expanded na rollout ng mga gamot.
-
Nakakuha naman na ng kumpletong COVID-19 doses ang nasa 26.47 milyong katao sa Pilipinas simula nang umarangkada ito nitong Marso. Bahagi lang 'yan ng kabuuang 57.49 bakunang naiturok sa bansa ngayon.
-
Umabot na sa 244.38 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 4.96 milyong katao.
— James Relativo