DILG sinabing 'biased' pagkakulelat ng 'Pinas sa int'l COVID-19 ranking
MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ng gobyerno ang muling pagkakulelat ng Pilipinas sa inilabas na listahan ng isang foreign organization pagdating pagharap sa COVID-19 pandemic — bagay na kanilang tinatawag na "hindi patas" at "masyadong pabor" sa mga kanluraning bansa.
Sa ikalawang sunod na buwan, "last place" kasi ang ranggo Pilipinas sa 53 bansang naisama sa Covid Resilience Ranking ng Bloomberg. Nasa 40.5 lang ang puntos na nakuha ng bansa mula rito.
"We feel the Bloomberg resilience data is practically unfair to our country... [It] doesn't cover all countries... It’s unfair to characterize our country as lowest because we're not lowest in the world, we're just lowest among those 25 countries utilized by Bloomberg," ani Interior Undersecretary Jonathan Malaya sa panayam ng ANC, Huwebes.
"The countries they chose were mostly Western countries, which puts us at a disadvantage... 'Di talaga tayo tataas diyan. We're a developing country... In my opinion, it’s really a biased survey towards Western countries."
Sinasabi ni Malaya na 25 ang bansang pinagkumpara ng Bloomberg kahit na 53 talaga. Giit pa niya, hindi rin daw sariwa ang mga datos na ginamit sa naturang pagraranggo.
Inilabas ang listahan matapos maitala ang pinakamababang new COVID-19 cases sa Pilipinas sa lagpas limang buwan nitong Miyerkules, kung saan 3,218 lang ang naitalang new cases.
Ngayong linggo lang nang sabihin ng Department of Health na "low risk" classification na ang bansa pagdating sa COVID-19. Sa kabila nito, inilalagay pa rin ng Bloomberg ang Pilipinas bilang "worst place in COVID."
"We've had a 48% decline in cases for the past 2 weeks and our vaccination has been tremendous: 30 million first dose and almost 26 million second dose. And our supply has improved by 100 million," dagdag pa niya, habang idinidiing inaasahan niya ang mas magandang mga ranking sa susunod na buwan.
Umabot na sa 2,768,849 ang nahahawaan ng nakamamatay na virus sa Pilipinas simula nang makapanghawa ito sa bansa noong 2022. Sa bilang na 'yan, binawian na ng buhay ang 42,348 katao. — James Relativo
- Latest