DENR itinulak 'self-quarantine,' COVID-19 test sa mga nag-Dolomite beach noong Linggo
MANILA, Philippines — Hinihikayat ngayon ng gobyerno ang mga bumisita sa isang kontrobersyal na attraction sa Maynila na bantayan ang sarili para sa posibilidad ng pagkakaroon ng coronavirus disease (COVID-19) matapos ang biglaang pagdagsa rito ng tao nitong weekend.
Self-quarantine o COVID-19 test — ito ang ipinapayo ngayon ni Environment Undersecretary Benny Antiporda, Miyerkules, sa lahat ng bumisita sa Manila Baywalk Dolomite Beach nitong Linggo. Umabot kasi sa 121,744 ang bumuhos sa lugar noong araw na 'yon.
KAPAPASOK NA BALITA:
— PTVph (@PTVph) October 27, 2021
Bilang pag-iingat, hinikayat ng DENR ngayong Miyerkoles (Okt. 27) na magself-quarantine ang mga taong pumunta noong Linggo (Okt. 24) sa Manila Baywalk Dolomite Beach, kung kailan pumalo sa 121,000 ang mga bumisita. | via Clay Pardilla pic.twitter.com/AILghMldVI
Sa kabila nito, hindi gagawa ng sariling inisyatiba ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipa-test silang lahat. Hindi rin ioobliga sa mga nabanggit ang COVID-19 tests.
Martes lang nang hamunin ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na magsampa ng kaso laban sa DENR matapos ang sari-saring violations sa physical distancing sa naturang man-made "beach."
Aniya, maaari raw maging "super spreader" ng nakamamatay na COVID-19 ang hindi pag-e-enforce nang maayos sa minimum health protocols sa Dolomite beach, bagay na under construction pa at nasa jurisdiction pa raw ng DENR.
Ground commander sibak
Sinibak tuloy ngayon ni Environment Secretary Roy Cimatu ang Manila Bay Task Force ground commander na si Jacob Meimban kasunod ng naturang overcrowding, na posibleng naglagay sa publiko sa kapahamakan.
Papalitan si Meimban ng retiradong Army general na si Reuel Sorilla, na namumuno sa Environmental Law Enforcement and Protection Service ng DENR.
"We have plans. We anticipated it but the number of visitors still exceeded... That’s why I selected a retired general because the issue here is enforcement," paliwanag ni Cimatu, na dati ring sundalo.
"We’'e not making him (Meimban) a sacrificial [lamb]. He already said that being the commander, he takes full responsibility for what happened."
'Total shutdown,' accountability hiningi
Maliban sa pagpapanagot sa ilang DENR officials sa nangyaring aberya sa milyun-milyong pisong Dolomite beach, hinihingi naman ngayon ng isang militanteng grupong mga mangingisda ang tuluyan nang pagsasara ng nasabing lugar.
Ayon kay Ronnel Arambulo, tagapagsalita ng PAMALAKAYA, wala sa publikong gustong makatikim ng "beach experience" ang bigat ng sisi ngunit sa DENR officials na nagdesisyong magtambak ng dinurog na dolomite sa Manila Baywalk.
Pagsasayang lang daw ng pera ng gobyerno ang P349 milyon na ginastos para sa first phase nito. Paglalaanan uli ito ng P265 milyon sa ikalawa.
"Moreover, we demand for the shutdown of this dolomite beach that cost us hundreds of millions yet completely irrelevant to the Manila Bay rehabilitation program," patuloy ni Arambulo kanina.
"Instead, the budget for this futile beautification project should be refunneled to social services such as cash aid and subsidy for the poor sectors who endure the catastrophic impacts of the pandemic and the series of oil price hikes accompanied with inflation of basic commodities." — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico at ONE News
- Latest