'Supportive si Isko sa project': DENR sinagot bantang kaso sa dolomite beach crowding
MANILA, Philippines — Hindi maintindihan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung bakit hinahamon ngayon ng alkalde ng Maynila ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na sampahan ng kaso ang kanilang kagawaran dahil sa mga "paglabag" ng COVID-19 restrictions kaugnay ng pagbubukas ng Dolomite Beach kamakailan lalo na't todo suporta raw rito ang naturang lokal na pamahalaan.
Martes kasi nang hamunin ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang gobyernong ihabla ang DENR dahil sa siksikan ng publikong dulot ng kino-construct pa ring Manila Baywalk Dolomite Beach — bagay na maaari raw maging COVID-19 "supers preader."
"The document that we received last night [from the Manila government] is asking us on our plans and what are the strategies that we're using in trying to control the count [of visitors]," wika ni Environment Undersecretary Benny Antiporda, Martes, sa briefing ng Palasyo.
"Very supportive pa ho 'yung letter niya. The letter started with the words, 'We are in full support of the project of the DENR.' I don't know kung saan nanggaling 'yang statement na 'yan [ng pagpapasampa ng kaso]."
Kahit na nagkaroon daw ng ilang paglabag sa social distancing ang ilang bumisita sa lugar, na sinasabi ni presidential spokesperson Harry Roque na nakakaigi sa mental health ng taumbayan, agad naman daw itong naagapan dahil sa pagpapatupad ng "five minute rule."
Suportado ni Domagoso ang dahan-dahang paglabas ng bahay ng publiko para makapaglibang naman sa gitna ng pandemya ngunit mas mainam daw na makontrol at hindi magtipun-tipon sa iisang lugar ang lahat.
'400 at a time lang nasa loob'
Inutusan na ng hepe ng Philippine National Police ang kanilang kasapian na magtalaga ng mas maraming pulis sa kontrobersyal na atraksyon matapos umabot sa 65,000 katao ang bumisita rito. Nagkakahalaga ng P349 milyon ang first phase ng kontrobersyal na "beach nourishment project," na siyang binuhusan uli ng P265 milyon para sa second phase nito.
"In every single time, dahil po sa laki ng lugar na ito it's more than one hectre, hindi po lalagpas ng 400 'yung tao," wika pa ng DENR official kanina/
"Since magkakaroon na po pila sa labas, ang ginagawa po namin, immediately pinapakiusapan namin after five minutes, 'Pagbigyan po natin 'yung next batch.'"
Ganito raw ang sistemang kanilang ipinatupad hanggang magsara ang naturang lugar bandang 6:00 p.m. nitong Linggo. Malas lang daw na nakunan ng litrato ng media na dumami ang tao dahil sa biglang umulan. Aminado naman ang kagawaran na nagkaroon ng pagkukulang pagdating sa pagmando ng lugar ngunit agad naman daw itong nasawata.
Wika ni Roque, hahayaan na nila ang Department of the Interior and Local Government, PNP at Manila local government unit kung mauuwi sa kasuhan ang paniningil ng pananagutan.
Una nang sinabi ni Domagoso, na kumakandidato rin sa pagkapangulo sa 2022, na DENR ang may otoridad sa naturang man-made beach habang hindi pa natatapos ang development nito.
"Ang ironic kasi diyan, sila yung nagpapatupad, sila rin ‘yung lumalabag," banggit ni Domagoso, na tumatakbo sa ilalim ng patidong Aksyon Demokratiko sa susunod na taon.
"If we cannot implement it within our offices, then there’s no point in implementing it sa mga taongbayan. Pinahihirapan natin ang taongbayan, pero ang unang naglalabag ay tayo rin sa national government. It doesn’t make sense."
11-anyos pababa bawal muna roon
Bilang pagtalima sa guidelines na itinakda ng IATF laban sa COVID-19, pagbabawalan muna ang pagpasok ng mga batas 11-anyos pababa sa nasabing lugar. Pagtama ito ng DENR sa una nilang pahayag na babawalan pati ang mga 12 taong gulang, na pwede naman na raw mabakunahan laban sa virus.
Isasara rin naman ang nasabing beach mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-3 ng Nobyembre habang ginugunita ang Undas.
ICMYI: Children age 12 and below will not be allowed entry to the Manila Baywalk Dolomite Beach starting today, Oct. 26, with respect to the guidelines of IATF.
— ???? (@DENROfficial) October 25, 2021
The beach will also be closed from Oct. 29 to Nov. 3 in observance of ‘Undas.’#BattleForManilaBay pic.twitter.com/FNmvdFQPHp
- Latest