MANILA, Philippines — Bunsod ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Energy, Department of Agriculture at Department of Transportation na pag-aralan ang pagbibigay ng fuel discounts at subsidiya sa mga pangunahing sektor na naaapektuhan nito.
“Ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa world market ay dumaragdag sa pasanin ng mga Pilipinong patuloy na tinatamaan ng kasalukuyang pandemya,” ayon kay Go.
Dahil dito, umapela ang senador sa mga nasabing ahensya ng gobyerno na agad na pag-aralan ang posibleng pagbibigay ng fuel discounts o subsidiya para sa mga strategic sectors natin.
Tinukoy ni Go na kabilang sa dapat bigyan ng discounts o ayuda ay ang public transport, food deliveries at iba pa.
Naniniwala si Go na ang ibibigay na mga benepisyo ay magiging malaking tulong sa mga Filipino na nahihirapan ngayon sa pinansiyal, dulot ng walang tigil na oil price hike.
Hinuhulaan ng World Bank na mananatiling mataas ang pandaigdigang presyo ng langis hanggang 2022, na nagdaragdag sa inflationary strain sa mga bansang tulad ng Pilipinas na nag-aangkat ng lahat ng suplay ng langis nito.
Samantala, nanawagan din si Go sa posibilidad ng pag-amyenda sa kaukulang batas upang payagan ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa gasolina sa mga oras na tumataas ang presyo ng langis sa mundo.