MANILA, Philippines — Ang napakalaking numero ng pagsang-ayon ng mga Pinoy sa pagka-pangulo ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa pinakabagong survey ng Publicus Asia nitong Biyernes ay pagpapatunay lamang sa mga resulta sa isinagawang serye ng Kalye Survey sa unang dalawang linggo ng Oktubre.
“Both the science-based and real-time street surveys also confirmed that Bongbong Marcos is widely chosen by the respondents as their Best Bet for president in next year’s elections,” ayon sa kampo ni Marcos.
Sa National Capital Region, nakakuha si Marcos ng 40% na pangsang-ayon mula sa botanteng Pinoy, habang dominante siya sa North at Central Luzon na may 55.7%.
Nakakuha rin siya ng 38.2% sa South Luzon, habang naitala ang 44.7% para sa kanya sa Visayas. Sa Mindanao naman ay naitala ang kanyang pinakamalaking puntos na 62.5%.
Sa kabuuang pagpulso para sa pagka-pangulo ay nakakuha si Marcos ng 49.3% kumpara sa kanyang mga katunggali na sina Leni Robredo, na may 21.3%; Isko Moreno, 8.8%; Ping Lacson, 2.9%; at Manny Pacquiao, 2.8%.
Ang pangunguna ni Marcos sa presidential race survey ng PUBLiCUS Asia ay may pagkakatulad sa mga resulta sa isinagawa naman ng laganap na Kalye Surveys sa mga vlog at online sa iba’t-ibang panig ng Metro Manila, gayundin sa mga karatig lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon mula Oktubre 1 hanggang 11.
Sa kabuuang 2,137 respondents ay 1,307 ang pumili kay Marcos para maging pangulo ng bansa, kasunod sina Moreno na nakakuha ng 345 at Robredo na may 231, Pacquiao 125, Lacson 89 at Bato Dela Rosa, 23 boto. Nakakuha si Sara Duterte ng 17 sa Kalye Surveys.