2nd phase ng bakunahan sa mga bata, lumarga
MANILA, Philippines — Nag-umpisa na kahapon ang ikalawang parte ng bakunahan para sa 12-17 age group na may ‘comorbidities’ sa buong Metro Manila.
Sinabi ng Department of Health (DOH) na isinasagawa ang Phase II ng Pediatric A3 COVID-19 vaccination sa mga piling pagamutan pa lamang sa Metro Manila dahil sa magiging payugto-yugto ang pagpapatupad nito.
Namili ang DOH, National Vaccine Operations Center (NVOC), at mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila ng mga pagamutan o vaccination sites na may kapasidad na agarang rumesponde sakaling magkakaroon ng ‘adverse reactions’ o ‘side effects’ sa bakuna ang mga bata na may problema sa kalusugan.
Para sa Phase II, kasama sa walong pagamutan na idinagdag ang Caloocan City Medical Center (North at South), Ospital ng Malabon, Navotas City Hospital, Valenzuela City Emergency Hospital, Marikina Sports Complex (malapit sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center), Quezon City General Hospital, St. Luke’s Medical Center Quezon City, Ospital ng Maynila, Ospital ng Makati, SM Megamall Mega Vaccination Site (malapit sa Mandaluyong City Medical Center), Cardinal Santos Medical Center, Ospital ng Muntinlupa, Ospital ng Parañaque 1, University of Perpetual Help System Dalta, at Pasay City General Hospital.
Tatanggap rin ang St. Luke’s Medical Center - Global City ng mga magpapabakuna buhat sa bayan ng Pateros.
Inamin ng DOH na nagresulta ang lockdown ng paghinto sa pag-unlad bilang tao ng mga bata na napuwersang manatili na lamang sa bahay. Sa pagpapabakuna, inaasahan na makakatulong ito sa kanilang pagdebelop lalo na at hindi pa rin nag-uumpisa ang ‘face-to-face learning’.
- Latest