PDP-Laban: Substitution ni Sara Duterte kay Dela Rosa 'wala sa plano namin'
MANILA, Philippines — Hindi iniisip ngayon ng ruling party na i-field bilang standard bearer sa halalan ang presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, paglilinaw ng kanilang presidente na si Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ito'y matapos sabihin ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na handa siyang umatras sa pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022 national elections kung maisipan ni Inday Sara kumandidato sa ilalim ng kanilang partido bilang substitute.
"'Yung kay Mayor Inday Sara substituting Bato, that is something na hindi namin na-consider because very clear naman ang statement ni Mayor Inday na hindi siya tatakbo under PDP. So kung hindi siya, paano namin isa-substitute yun?" paliwanag ni Cusi sa panayam ng ANC, Miyerkules.
Gayunpaman, "anything is possible" pa naman daw kung maghahanap sila ng ibang makakatambal ni vice presidentiable Sen. Christopher "Bong" Go.
Pinapayagan ng election rules na magkaroon ng substitution ng mga kandidato hanggang ika-15 ng Nobyembre, pero dapat ay manggaling ang pareho sa iisang partido.
Si Dela Rosa ay bahagi ng Cusi faction ng PDP-Laban habang si Sara, na numero uno sa presidential surveys ng Pulse Asia, ang namumuno ng regional party na Hugpong ng Pagbabago.
Una nang naghain ng kanyang reelection bid sa pagkaalakalde ng Davao City si Duterte-Carpio nitong ika-2 ng Oktubre.
Ngayong buwan lang nang hamunin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang Commission on Elections na ideklarang "nuisance" candidate ang mga pinatatakbo lang bilang "placeholder" dahil isu-substitute din, sa dahilang mockery raw ito ng electoral process.
Dela Rosa 'hindi first choice' ng PDP-Laban
Matatandaang ninomina ng PDP-Laban sina Go at Pangulong Rodrigo Duterte para sa pwesto ng pagkapangulo at pagkabise.
Gayunpaman, umatras si Digong sa pagtakbo bilang ikalawang pangulo at nagsabi nang "magreretiro" sa pulitika matapos ang kanyang termino kung kaya't nauwi sa sila sa pagkuha kay Dela Rosa. Kinuha naman ni Go ang vice presidential spot ni Duterte.
"Nung hindi po nangyari yun and the President said 'I’m not going to run anymore,' we made an adjustment in the party because we cannot be orphaned na wala kaming kandidato na presidente saka vice-president," dagdag ni Cusi.
"Ang pinakamabilis nun, pinag-file na po si Sen. Bong Go for vice president."
Kilala si Dela Rosa bilang dating hepe ng Philippine National Police na nanguna sa kontrobersyal na "war on drugs" ng administrasyon, bagay na pumatay na sa higit 6,000 katao.
- Latest