MANILA, Philippines — Ikinabahala ng mga awtoridad ang biglaang paglabas ng mga tao habang halos umabot sa ‘pre-pandemic level’ ang bilang ng mga sasakyan sa mga kalsada makaraang ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila.
Mismong si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang nakapansin sa pagdami ng tao sa mga kalsada, sa mga malls, pasyalan at mga restoran mula pa nitong nakaraang Biyernes.
Ang mga sasakyan sa EDSA, nasa 400,000 na ang bilang na halos kapareho na ng ‘pre-pandemic level’.
Dahil dito, nagbabala ang mga otoridad sa publiko na maghinay-hinay muna dahil sa hindi pa 100 porsyento na nagbabalik na sa normal ang sitwasyon.
May ilang mga barangay chairman na rin ang nagrereklamo sa pagluluwag sa restriksyon dahil sa hindi nila maawat ang mga tao na lumabas ng kanilang mga bahay. Nangangamba sila na baka magkahawaan muli ng virus at magkaroon muli ng surge.
Bukod sa mga dating pasyalan, dinagsa rin ng tao ang kontrobersyal na Dolomite Beach sa Maynila na kinakitaan ng pagdidikit ng mga tao.
Pinaalala ni Abalos na bawal pa ring lumabas ang mga bata at matatanda na 65-taon pataas habang nakatakdang maglabas pa ng panuntunan sa pagbiyahe papasok at palabas ng Metro Manila.
Sa kabila ng pagsisikip sa mga kalsada, wala pa rin namang plano ang MMDA na ipatupad muli ang ‘number coding scheme’.