MANILA, Philippines — Maliit na porsyento lang sa mga nabakunahang 12-17 year olds laban sa COVID-19 ang nakaranas ng hindi kaaya-ayang epekto dulot ng pagtuturok ng gamot, pagbabahagi ng Department of Health (DOH) ngayong araw.
Sa 1,509 na nakakuha ng COVID-19 vaccine sa mga batang may comorbidity nitong Biyernes, apat lang ang naiulat na nakakuha ng adverse event following immunization (AEFI), ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Related Stories
"Meron po tayong apat. Isa po ay... nagkaroon ng pagtaas ng presyon. But after two hours, they were able to manage it at naging normal na 'yung blood pressure noong bata," wika ni Vegeire sa isang media forum, Lunes.
"[M]eron ding isa nagkaroon ng allergic reaction but it was managed, at nag-resolve din 'yung allergies."
Narito ang mga sumusunod na side-effects:
- tumaas ang blood pressure (1)
- allergic reaction (1)
- stress-related anxiety dahil sa bakuna (2)
Sa kabila nito, "brief overview" pa lang ito at kailangan pang maisumite sa Food and Drug Administration bago maging opisyal na mga datos.
"Ito po 'yung nakuha natin, but again let me caution all of you, it's not official yet. We still need to input that into the Vigiflow of the [FDA]."
"So ito po ay pinag-aaralan pa rin ng ating mga vaccination sites at vaccine cluster, tapos magsusumite sa FDA."
'Swabe lang'
"Very smooth" kung isalarawan ng DOH ang iginigulong ng pediatric vaccination sa ngayon ng Pilipinas.
Sa ngayon, tanging Pfizer at Moderna vaccines pa lang ang pwedeng iturok sa mga 12-anyos pataas sa Pilipinas alinsunod sa emergency use authorization na inaprubahan ng FDA.
Paliwanag ni Vergeire, naging susi raw dito ang pag-assess muna sa kanila ng kanilang mga doktor bago magtungo sa mga bakunahan. Agad din daw na nabigyan ng clearance ang mga bata para mabigyan ng mga nasabing gamot.
"As to the guardians and children giving their informed consent and assent, wala rin naman tayong naging problema diyan," patuloy pa ng DOH official.
"I think 'yung orientation na ginawa natin, the townhall with the parents and the physicians, plus siguro 'yung ating mga ospital nakausap din naman po nila 'yung mga magulang noong kanilang pasyente kaya naging mas madali para sa atin."
Gayunpaman, mapahuhusay pa naman daw ang:
- "pacing" kung paano ito maisasagawa
- paghihikayat nang mas maraming kabataan magpabakuna sa mga may comorbidities sa ospital
- atbp.
Aabot na sa 24.3 milyon ang nakakukuha ng kumpletong doses ng bakuna, ayon sa pinakahuling tala ng Kagawaran ng Kalusugan
Papalo naman na sa 2.72 milyon ang mga tinatamaan ng COVID-19 sa ngayon sa bansa. Sa bilang na 'yan, binawian na ng buhay ang nasa 40,675 katao.