DOH pinalagan 'no COVID-19 vaccine, no salary' rule sa mga trabaho

MANILA, Philippines — Tinutulan ng Department of Health (DOH) ang hindi pagbabayad sa mga empleyado't manggagawang hindi pa rin nababakunahan laban sa COVID-19, bagay na ginagawa na raw ng ilang tanggapan kahit walang batayan sa batas ayon sa kagawaran.

Linggo lang nang banatan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang "hindi makataong" pag-ipit ng ilang employers sa sahod o sweldo ng mga tauhang hindi makapagpakita ng vaccination card na magpapatunay ng full protection sa nakamamatay na virus.

"Let me just reiterate to the public: Hindi po dapat maging basis ang pagbabakuna para mabigyan ng sweldo 'yung mga nabigyan na ng trabaho para po sa kanilang mga work," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media forum, Lunes.

"Unang-una, wala po tayong batas pa na nagsasaad na kailangang mandatory ang pagbabakuna. And that was verbalized by the Department of Justice."

Aniya, ang meron lang sa ngayon ay ang pagbibigay ng insentibo sa publiko para mahikayat silang magpaturok laban sa COVID-19.

Dati nang sinabi na iligal

Dati nang sinabi ng Department of Labor and Employment at DOH na iligal ang "no vaccine, no work" policy. Gayunpaman, dati nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na may "police power" ang estado na magsagawa nito basta't magkakaroon ng batas.

"So hopefully, hindi po ito maging basehan para magkaroon trayo ng mga issues na ganyan," dagdag pa ni Vergeire kanina.

"I defer to the Department of Labor and Employment on the response for this."

Sa huling tala ng gobyerno, umabot na sa 24.3 milyon ang nakakukuha ng kumpletong doses ng COVID-19 vaccines. Ang nabanggit ay bahagi lang ng kabuuang 52.3 milyong doses na naibigay na sa Pilipinas.

Humataw na sa 2.72 milyon ang nahahawaan ng naturang sakit sa ngayon, kung saan 40,675 na sa kanila ang namamatay, banggit ng Kagawaran ng Kalusugan.

Show comments