Jopet Sison pumalit kay Noli sa senatorial ticket ni IMoreno
MANILA, Philippines — Humalili si dating Quezon City Councilor at TV host Jopet Sison kay dating Vice-President Noli De Castro sa senatorial ticket ng Aksyon Demokratiko ni presidential candidate Manila City Mayor Isko Moreno.
Mismong ang Aksyon Demokratiko ang naghayag ng paghalili ni Sison kay De Castro na una nang naghayag ng kaniyang pag-atras sa kandidatura dahil sa personal na rason at pagtutok bilang brodkaster.
Kahapon, sumama si Sison sa paglulunsad ng kanilang tiket ni Moreno sa Lipa City, Batangas na inorganisa ng One Batangas at ni Senate Pro Tempore Ralph Recto.
Sinabi ni Sison na tututok at tutulong siya kay Moreno sa pagbibigay ng murang pabahay sa mga mahihirap kasama na ang mga taga-Batangas dahil sa batid niya ang hirap na magkabahay sa bansa nang manungkulan siya bilang general manager ng National Housing Authority (NHA) at pangulo ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC).
Nagdesisyon umano siyang sumama kay Moreno dahil naniniwala siya na may magagawa sa taumbayan mula sa ipinatayong mga ‘vertical housing projects’ sa Maynila.
Bukod sa pagiging konsehal ng anim na taon sa Quezon City, unang nanungkulan rin ang 56-anyos na si Sison bilang barangay kagawad kaya alam na umano niya ang pangangailangan maging sa mga pinakamababang bahagdan ng politika.
- Latest