MANILA, Philippines — Mahigpit pa ring ipagbabawal ang panonood ng sine nang magkatabi, sa sandaling buksan nang muli sa limitadong kapasidad ang mga sinehan sa Metro Manila simula bukas, Sabado.
Ang pagbubukas ng mga sinehan ay kasunod na rin nang pagsasailalim na sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3 simula Oktubre 16 hanggang 31 dahil sa unti-unti nang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Gayunman, limitado pa lamang ang papayagang kapasidad nito na dapat ay nasa 30% lamang.
Pawang fully-vaccinated individuals lamang din umano ang pahihintulutang makapanood ng sine.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, maraming tao ang natutuwa sa pagbubukas muli ng mga sinehan, partikular na ang mga cinema operators na malaki na ang nalugi dahil sa pagsasara ng kanilang negosyo.
Una nang nagtakda ng mga protocols ang Cinema Exhibitor Association of the Philippines (CEAP) upang matiyak na magiging ligtas ang muling pagbubukas ng mga sinehan, ngayong nasa kalagitnaan pa ang bansa ng pandemya.
Kabilang sa mga itinakdang regulasyon ay ang pagkakaroon ng one-seat apart ng mga manonood, pagsusuot ng face mask at pagbabawal muna sa pagkain sa loob ng sinehan.
Maging ang mga tauhan ng mga cinema ay mag-oobserba rin ng minimum health protocols gaya nang madalas na paghuhugas ng kamay.
Simula Marso 2020 ay sarado na ang mga sinehan sa bansa dahil sa pandemya at ayon sa CEAP, tinatayang aabot na sa P21 bilyon ang kitang nawala sa kanila.
Related video: