MANILA, Philippines — Naniniwala ang OCTA Research Group na maaari nang magdaos ng mga Christmas parties ngayong darating na Disyembre ngunit para lamang sa mga ganap nang bakunadong mamamayan.
“In places na vaccinated ‘yung attendees, kunwari sa office Christmas party na everyone’s vaccinated na, we can probably have a big Christmas party because the risk right now seems low,” ayon kay Dr. Guido David, miyembro ng OCTA.
Ito ay makaraan ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at pagluwag na ng mga healthcare facilities at isolation centers.
Ngunit hindi kumbisido ang Department of Health (DOH) dito. Iginiit ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa rin na ipatupad ng husto ang ‘minimum health protocols’ partikular ang pag-iwas sa matataong lugar at pagiging magkakadikit.
Handa naman umano ang DOH na mag-adjust sa sitwasyon ngunit nananatili ang palagiang pagtiyak sa kaligtasan ng lahat.
Hindi rin pabor dito ang pinuno ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) na si Dr. Jose de Grano. Kung magkakaroon man ng mga Christmas parties, iginiit niya na posible sa mga magkakadikit na miyembro ng pamilya lamang.
Kahit na lumuluwag na ang ‘occupancy’ ng mga ospital, ipinaalala niya na may problema ngayon sa tauhan dahil sa pag-aalisan ng mga healthcare workers patungo sa ibang bansa.