P493.76 milyong halaga ng agrikultura winasak ng bagyong 'Maring'
MANILA, Philippines — Milyun-milyong halaga ng pinsala ang tinamo ng sari-saring probinsya sa sektor ng agrikultura sa paglabas ng bagyong "Maring," pag-uulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw.
Sumatutal, pumalo na sa P493,766,744.67 halaga ng pinsala sa agrikultura ang naitala Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region:
- Region 1 (P262,518,842.7)
- Region 2 (P114,079,695.93)
- CAR (P117,168,206.04)
Matatandaang nagdala ng matitinding pagbaha ang Severe Tropical Storm Maring sa sari-saring probinsya, lalo na sa mga lugar gaya ng Hilagang Luzon.
Aabot sa mahigit 22,731 ektaryang taniman sa ngayon ang napinsala ng bagyo, maliban pa sa 7,480 apektadong livestock o poultry.
Tinatayang nasa P2.47 milyong halagang damage naman ang tinamo ni "Maring" sa mga palaisdaan, bagay na naitala lang sa Rehiyon ng Ilocos.
Pagdating sa direktang epekto ng bagyo sa tao, inilabas ng NDRRMC ang mga sumusunod na datos:
- patay (13, bineberipika pa)
- sugatan (3, bineberpika pa)
- nawawala (1 validated, 8 bineberipika pa)
- apektadong residente (21,511)
- nasa loob ng mga evacuation centers (1,513)
Ang mga nabanggit ay nagmula sa Region 1, Region 2, Region 3, MIMAROPA, CARAGA at CAR.
Bagama't wala na sa Philippine area of responsibility ang bagyong "Maring," pinalalakas pa rin nito ang epekto ng Hanging Habagat sa bansa.
Dahil diyan, maaasahan ang mga pag-ulan sa Bataan, Zambales, Occidental Mindoro at Palawan, ayon sa PAGASA. — James Relativo
- Latest