MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y anomalya sa pamamahagi ng distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni Lacson sa kanyang interpelasyon na hindi kapani-paniwala ang sinabi ng DSWD sa ginanap na deliberasyon na mayroon silang 94 porsiyento na physical accomplishment sa pamamahagi ng SAP gayung 80% lang ang kanilang nailabas na pondo.
Mayroon umanong hindi tumutugma dahil base sa pinakabagong datos ng DSWD, lumalabas na nakapamahagi ng SAP sa may 717,372 sa 761,259 target na pamilyang benepisyaryo kaya 94.23% ang accomplishment hanggang nitong Agosto 31, 2021.
Sa naturang report din makikita na 80% lang ang pondo ng DSWD na nagamit para sa SAP.
Nilinaw naman ni Hannah Carido, mula sa DSWD na may ginawa silang adjustment sa kanilang target kung saan 855,597 ang target na benepisyaryo noong Enero 2021 sa halip na 717,372.
Dahil dito, kaya pinayuhan naman ni Lacson ang DSWD na matuto mula sa kanilang “poor planning” kung saan kailangan nila munang makipag-ugnayan sa Starpay matapos na mapag-alaman na 70 porsiyento pala ng SAP beneficiaries ay walang mobile phone.