Dela Rosa 'aatras sa 2022 presidential bid' kung Sara Duterte kakandidato sa PDP-Laban
MANILA, Philippines — Game na game bawiin ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa hahalan ng susunod na taon kung mapagdesisyunan ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa ilalim ng kanilang partido.
Biyernes nang ikagulat nang marami ang paghahain ni Dela Rosa ng kanyang Certificate of Candidacy sa pagkapresidente sa 2022 sa ilalim ng PDP-Laban, lalo na't wala siya sa mga pinag-uusapang tumakbo.
Gayunpaman, nakasot siya noon polo shirt ng Hugpong ng Pagbabago, ang regional party ni Davao City mayor at presidential daughter Sara Duterte-Carpio — na COVID-19 positive ngayon at numero uno sa September survey ng Pulse Asia.
"'Pag sa [PDP-Laban], i-accept n’ya ang offer ng PDP to become our standard-bearer, then by all means I will withdraw at papalit siya," ani Dela Rosa sa online na panayam kasama ang media, Lunes.
"Willing ako. I am very much willing kasi ‘yung winnability n’ya masyadong mataas and ‘yung kanyang capability, ‘yung kanyang capacity to lead, ay beyond question."
Ilan ang naghihinalang papalitan ni Sara si Bato sa pagkapangulo sa pamamagitan ng "substitution," bagay na pwede pang gawin hanggang ika-15 ng Nobyembre.
Si Dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police, ang namuno sa madugo at kontrobersyal na gera kontra droga ni Digong — bagay na pumatay na sa 6,191 ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency nitong Setyembre.
"Of course tuloy [ang Oplan Tokhang]. But of course hindi naman tayo magbibingi-bingihan dun sa mga suggestion, sa mga recommendation how to make it work very good," patuloy niya.
"Kasi kayo, karamihan sa mga tao dito ay ini-equate nyo ang Tokhang to [extrajudicial killings]. Pag sinabi nyong Tokhang, EJK kaagad ang iniisip nyo. Mali po yung iniisip nyo. Tokhang is different from EJK."
'Hindi siya ang best, kaso siya ang nandiyan'
Paliwanag naman ni Melvin Matibag, PDP-Laban secretary general ng paksyong pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, maaaring hindi siya ang pinakamahusay na option lalo na't iba ang kanilang unang option — kaso siya lang daw ang pwede ngayon.
"He [Dela Rosa] is the one who is available. We’re not saying he is the best because originally we were pushing for Senator Bong Go," ani Matibag sa hiwalay na interview ng ANC.
Sa kabila nito, hindi naghain si Go ng COC sa pagkapresidente ngunit para lang sa pagkabise presidente.
Biyernes nang sabihin ni Dela Rosa na "matagal" nang planong patakbuhin siya sa pagkapangulo bilang "strategy." Gayunpaman, biglang kumabig siya ngayong umaga at sinabing sinabihan lang dalawang oras bago matapos ang deadline ng COC filing bandang 5 p.m.
"Tinawagan ako 3 p.m. in the afternoon na pumunta sa Sofitel para mag-file ng COC," paliwanag ng kontrobersyal na police-turned-senator.
Pinili si Dela Rosa kahit sa pagkarami-raming tao kahit na may "supermajority" ang administrasyon sa Konggreso. Naniniwala naman si Matibag na okey pa ring alternatiba si Dela Rosa kay Go, na una na nilang nakita raw na "most qualified" para ipagpatuloy ang "legacy" ng pangulo.
Pwede ba mag-substitute si Sara kay Bato?
Bagama't napag-uusapan ang posibilidad ng substitution, hindi pwedeng palitan ng hindi kapartido ang isang kandidato, paglilinaw ng Commission on Elections.
Si Dela Rosa ay taga-PDP-Laban habang taga-Hugpong ng Pagbabago si Duterte-Carpio, na una nang naghain ng kandidatura sa pagkaalkalde ng Davao City.
"'Pag nag-file na [ng COC] 'yung tao under one political party now, hindi na siya pwede technically mag-switch ng political parties kasi tapos na 'yung filing ng COC [noong October 8]," wika ni Comelec spokesperson James Jimenez sa TeleRadyo.
"Kung magpapalit siya ng CONA, kailangan niyang i-withdraw 'yung original CONA niya, maghain siya ng bagong CONA, pero deadline na. So wala na."
Matatandaang dati nang gumamit ng substitution si Digong para makatakbo para sa 2016 national elections nang palitan niya ang kandidato ng PDP-Laban na si ngayo'y Interior Undersecretary Martin Dino.
- Latest