Pagsala sa mga kandidato sisimulan na ng Comelec
MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsala sa mga kandidatong naghain ng certificates of candidacy (COC) para sa May 9, 2022 national and local elections, kasunod na rin nang pagtatapos nitong Biyernes nang paghahain ng kandidatura.
Batay sa datos na inilabas ng Comelec, mula Oktubre 1 hanggang 8, ay umaabot sa 97 ang bilang ng mga kandidatong naghain ng kandidatura sa pagka-pangulo, 29 naman sa pagka-bise presidente, 176 sa pagka-senador at 270 ang partylist.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, na kailangang dumaan sa proseso ng pagsasala sa Comelec ang mga kandidato para tiyaking hindi sila nuisance candidate o panggulong kandidato lamang, bago tuluyang payagang tumakbo sa eleksiyon.
Ipinaliwanag ni Jimenez na mayroong iba’t ibang kategorya ang nuisance candidates, kabilang dito yaong nag-file lamang para gawing katatawanan ang sistema, nag-file lamang para lumikha ng kalituhan sa mga botante dahil magkapareho sila ng pangalan ng mas tanyag na kandidato, at yaong wala namang lehitimong intensiyong tumakbo para sa elective office kung saan siya nag-file ng kandidatura.
Tiniyak naman ni Jimenez na may iba’t ibang paraan ang Comelec para matukoy kung mayroon talagang lehitimong intensiyon ang isang kandidato na tumakbo sa halalan, kasama na aniya rito ang kaniyang campaign strategy, plataporma, at iba pa.
Inaasahan naman ni Jimenez na sa Disyembre ay maisasapinal na nila ang listahan ng mga kandidato para sa susunod na eleksiyon.
Una na ring sinabi ng Comelec na itinakda na nila sa Nobyembre 15 ang deadline para sa substitution ng mga kandidato at ito ang isa sa mga inaantabayanan nila sa ngayon.
Dito aniya mabibigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na maghain ng kanilang substitution mula sa kanilang political party.
Kaugnay nito, nagpaalala si Jimenez na walang karapatan na mag-substitute ang mga kandidatong walang partido, o independent candidate.
- Latest