Bato dela Rosa kakandidatong pangulo, naghain ng COC
MANILA, Philippines — Sumama na rin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa presidential derby nang maghain ng kanyang kandidatura para sa pagka-pangulo sa May 2022 national elections.
Inihayag ni PDP-Laban secretary general Melvin Matibag na si Dela Rosa ang kanilang ‘standard bearer’ at makakatambal ni Sen. Bong Go na tatakbo bilang pangalawang pangulo.
Nakasuot si Dela Rosa ng berdeng polo shirt na siya ring kulay ni Davao City Mayor Sara Duterte kaya nagkaroon ng mga espekulasyon na kumalat sa social media na nasa Metro Manila si Sara at may “plot twist” na magaganap sa huling araw ng paghahain ng COC ng mga kandidato.
Kasama ni Dela Rosa si Sen. Francis Tolentino nang maghain ng certificate of candidacy sa Comelec sa Sofitel Hotel.
Miyembro si Dela Rosa ng paksyon sa PDP-Laban sa ilalim ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Sinabi naman ni Matibag na ang tambalang PDP-Laban ay Ba-Go o Bato dela Rosa at Bong Go.
Samantala, naghain na rin ng kandidatura si Sen. Kiko Pangilinan na tatakbo sa pagka-Bise Presidente katambal si Vice Pres. Leni Robredo bilang pangulo.
- Latest