MANILA, Philippines (Updated 11:53 a.m.) — Pormal nang inanunsyo ni Bise Presidente Leni Robredo ang plano niyang tumakbo sa pagkapangulo isang araw bago magtapos ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa halalang 2022.
Ginawa ng ikalawang pangulo ang pahayag ngayong Huwebes, 11 a.m., matapos udyukin ng sari-saring sektor lalo na yaong mga tutol sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Related Stories
"Buong-buo ang loob ko ngayon. Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako," wika ni Robredo sa state media ngayong umaga.
"Lalalaban tayo. Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022."
Miyerkules lang nang sabihin ng tagapagsalita niyang si Barry Gutierrez na magbibitiw si Robredo ng "important announcement" ngayong araw.
VP Leni will make an important announcement this Thursday, Oct 7, at 11 am. Please stay tuned.
— Barry Gutierrez (@barrygutierrez3) October 5, 2021
Matatandaang ika-30 ng Setyembre nang iendorso siya ng opposition coalition na 1Sambayan para maging kanilang pangulo.
Gayunpaman, wala pa silang inilalabas na katambal niya para sa pagkabise presidente at listahan ng senatoriables, bagay na idadaan pa ng 1Sambayan sa mga konsultasyon kasama si Robredo.
"Malinaw sa lahat ang hamon na kinakaharap natin. Nakita na nating lahat ang pagsisinungaling at panggigipit na kayang gawin ng iba para maabot ang mga layunin nila," dagdag pa ng ikalawang pangulo.
"Nasa kanila ang pera, makinarya, isang buong istrukturang kayang magpalaganap ng anuymang kwentong kaya nilang palabasin. Pero hindi kayang tabungan ng kahit na anong ingay ang katotohanan."
Dagdag pa ni Robredo, na kilalang kritiko ng madugong drug war at red-tagging sa mga bumabatikos sa administrasyon, "walang maaasahang pagbabago" kung parehong uri ng pamamahala ang magwawagi sa susunod na taon.
Pursigido si Robredo, asawa ng pumanaw na dating Interior Secretary Jesse Robredo, na ituloy ang pagkandidato kahit na nasa ikaanim na pwestosa pagkapangulo sa huling survey ng Pulse Asia nitong Setyembre.
"Tatalunin natin ang luma at bulok na klase ng pulitika. Ibabalik natin sa kamay ng karaniwang Pilipino ang kakayahang magdala ng pagbabago," wika pa niya.
"Ramdam na ramdam ko ang tiwalang kaloob niyo sa akin. Sinasabi ko ngayon: buong-buo rin ang tiwala ko sa inyo."