Lacson-Sotto opisyal nang kandidato sa pagkapangulo, VP sa 2022
MANILA, Philippines (Updated 2:56 p.m.) — Naghain na ng kanilang kandidatura sa Commission on Elections (Comelec) para sa 2022 national and local elections sina Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III, kung saan tatakbo sa posisyon ng presidente ang nauna at bise presidente ang nahuli.
Ika-8 ng Setyembre lang nang pormal na ianunsyo ng tambalan ang kanilang pagtakbo sa susunod na halalan, bagay na kanilang tinotoo sa paghahain nila ng certificates of candidacy (COC) ngayong Miyerkules.
"Kakayahan, katapatan, katapangan. Mga katangiang taglay ng Lacson-Sotto tandem na layuning maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa ating pamahalaan," wika ni Lacson sa kanyang talumpati sa Comelec kanina.
"Kahit minsan, hindi tumanggap ng suhol kapalit ng serbisyo publiko. Nananatiling walang bahid ng korapsyon, ang siyang gagamitin naming pinakamabisang armas para buwagin ang mga sindikato sa loob at sa labas man ng gobyerno."
Kung papalaring masungkit ang pinakamatataas na posisyon sa gobyerno, ipinangangako ng dalawa ang "disiplinadong burukrasya," kasama na ang "maayos na paggastos ng pambansang budget" upang makaabot ang kaban ng bayan hanggang sa mga liblib na parte ng bansa.
Sila ang ikatlong set ng standard bearers na sabay naghain ng kanilang COC, sunod kina PROMDI party bets na sina Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza (Buhay Party-list), at Aksyon Demokratiko bets na sina Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso at doktor na si Willie Ong.
Ilang credentials, katangian, kontrobersiya
Matatandaang nagsilbi si Lacson bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 1999 hanggang 2001. Naging senador siya noong taong 'yon hanggang ngayong 2021.
Kilala siyang hindi paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (pork barrel), bagay na madalas iugnay sa katiwalian. Sa kabila nito, nadawit noon ang kanyang pangalan sa kontrobersyal na pagkamatay ng publicist na si Salvador "Bubby" Dacer at kanyang driver noong 200 at ng 11 miyembro ng Kuratong Baleleng noong 1995 habang pinamumunuan ang PNP.
Taong 1988 hanggang 1992 nanunkulang bise alkalde ng Quezon City si Sotto (isang aktor at TV host), bago magsilbing senador sa kanyang unang dalawang termino mula 1992 hanggang 2004.
Nanungkulan din siyang chairperson ng Dangerous Drugs Board mula 2008 hanggang 2009 hanggang sa maluklok uling senador mula 2010 hanggang sa kasalukuyan. Kilala rin siya sa mga konserbatibong paninindigan sa loob ng lehislatura, gaya ng pagpalag sa divorce bill, reproductive health law at mga panualang layong iligalisa ang paggamit ng marijuana.
14 senatorial bets... sa ngayon
Ipinaliwanag naman ni Lacson na marami nang nagpahayag ng kagustuhang kumandidato sa pagkasenador sa ilalim ng kanilang ticket, lalo na't manggagaling silang dalawa mula sa magkaibang partido.
"Actually... as of this morning lagpas [sa 12 senators ang nasa listahan] eh. 14 kaya hindi namin mabigkas agad silang 12 sapagkat 14 'yung aming kino-consider na nakikipag-usap sa amin," natatawang paliwanag naman ni Sotto sa media.
"Ang plano namin, after the filing which is after October 8, we will finalize [the list] that we will be endorsing [for the position of senator]."
Magkakaroon daw ang kanilang liderato ng mga guest candidates mula sa Nationalist People's Coalition kung saan presidente si Sotto habang magfa-file naman ang iba sa ilalim ng Partido Para sa Demokratikong Reporma, kung saan chair naman si Lacson.
Meron din daw manggagaling mula sa Nationalist Unity Party, United Nationalist Alliance gaya ni dating Bise Presidente Jejomar Binay, na siyang kafa-file pa lang ng COC sa pagkasenador kahapon.
- Latest