MANILA, Philippines — Naglabas ng memorandum si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa mga opisyal ng Gabinete na dumalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa pagbili ng gobyerno ng diumano’y overpriced na pandemic supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corp. noong nakaraang taon.
Sa memo, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na hindi lamang mga Cabinet secretaries ang sakop ng kautusan kundi lahat ng empleyado ng Executive Department ay pinagbabawalang dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon na halos tumagal na ng dalawang buwan.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi ni Duterte na hindi dapat pinapayagan ang tahasang pambabastos sa isinasagawang pagdinig ng komite.
“Gordon, you are not God and you cannot play God. No. You cannot continue this hearing “till kingdom come.” You are not a senator forever and the time of reckoning will come. You and the Senate cannot compromise the government’s COVID-19 response by getting agency leaders tied up for so long at your beck and call,” ani Duterte.
Muling binanggit ng Pangulo na kung may sapat na ebidensiya si Gordon laban sa Pharmally ay dapat magsampa na lang ito ng kaso sa tamang korte.
Anya, hindi isang criminal court ang Senado at hindi dapat ginagamit sa isang “witch-hunt.”
Muling pinanindigan ng Pangulo na ginawa ng Executive Department ang trabaho nito sa pagtugon sa pandemya at wala kahit isang maliit na ebidensiya ng overpricing at korupsiyon.