Obesity, 10 pang comorbidities sa mga bata prayoridad sa bakuna
MANILA, Philippines — Maaaring mabakunahan kaagad ang mga batang may medical condition na ‘obesity’ sa ipatutupad na ‘pilot vaccination’ ng 12-17 age group.
Nabatid kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kasama sa mga ‘medical condition’ o comorbidity ang ‘obesity’ maging ang 10 pang kundisyon.
Sa national nutrition survey noong 2019 ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), nasa 9.8 porsyento ng mga batang may edad 10-19 ay overweight.
Sa pahayag ng FNRI, dumoble ang bilang ng mga overweight na Filipino adolescents sa nakalipas na 15 taon partikular na sa mga nakatira sa mga ‘urban areas’ o kalunsuran.
Kabilang din sa itinuturing na comorbidity ang mga medical conditions na Medical Complexity, Genetic conditions, Neurologic conditions, Metabolic/ endocrine, Cardiovascular disease, HIV infection, Tuberculosis, Chronic respiratory disease, Renal disorders, at Hepatobiliary.
Pinaalalahanan ni Vergeire ang mga magulang ng mga batang magpapabakuna na dapat munang kumuha ng clearance mula sa kanilang mga doktor, at magbigay ng kanilang consent at assent.
Pinayuhan din ni Vergeire ang mga magulang na irehistro ang kanilang mga anak sa local government units (LGUs) na nakakasakop sa kanila.
Una nang sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na target ng pamahalaan na simulan ang pagbabakuna sa mga kabataan sa National Capital Region (NCR) na may comorbidities sa Oktubre 15.
- Latest