Side effect ng bakuna sa bata, hindi malala – DOH
MANILA, Philippines — Pinawi ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang pag-aalala ng mga magulang sa pagpapabakuna sa kanilang mga anak sa pagsasabi na karaniwang hindi naman nagiging malala ang ‘side effects’ ng COVID-19 vaccines sa age group na 12-17.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na kabilang sa mga ‘side effects’ na namonitor sa mga bansa na nagbakuna na ng mga bata ay ang karaniwang ‘allergy’, sakit ng ulo, at sakit ng katawan. May ilan din na nakaranas ng ‘myocarditis’ o ang pananakit ng masel ng puso ngunit hindi naman malala.
“Generally hindi naman ganoon karami ang side effects. Hindi naman ganoon ka-severe,” giit ni Cabotaje. “May mga guidelines kung saan kayo pupunta at kung ano gagawin.”
Aabot sa 12.7 milyong kabataan ang target na mabakunahan ngunit mag-uumpisa sa mga may ‘comorbidities’.
Sa kasalukuyan, tanging Moderna at Pfizer pa lamang ang nabibigyan ng ‘emergency use authorization (EUA)’ ng pamahalaan para magamit sa mga minors.
- Latest