MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang suspensyon ng pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa Saudi Arabia makaraan ang mga insidente ng mga pangmamaltrato ng mga employers sa ating mga kababayan.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakarating na sa kanila ang ulat ng pangmamaltrato ng isang retiradong Saudi general sa ilan niyang Pinoy domestic helpers. Hinihintay na rin niya ang rekomendasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
“Bilang safeguard sa ating mga OFWs, pinag-aaralan ko na huwag muna tayong mag-deploy hangga’t hindi sila nagpapakita, lalong-lalo na ang pamahalaan ng KSA, na handa nilang proteksiyonan ang mga OFWs,” ayon kay Bello.
Patuloy pa rin umano ang pakikipagnegosasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa naturang heneral na maimpluwensya umano sa Saudi upang ilipat na ang kustodiya sa dalawa niyang Pinoy na DH.
“Kaya lang matigas ang ulo nitong lintik na heneral na ito ayaw pakawalan,” patungkol ni Bello sa heneral na nakilalang si Ayed Thawah Al Jealid.
Sa inisyal na mga ulat, nasa 16 OFWs ang nagtatrabaho kay Al Jealid. Nagrereklamo sila ng pisikal na pang-aabuso at hindi pagbabayad ng kanilang mga suweldo mula pa noong 2019.
Noong nakaraang Agosto, isinuko ng dating heneral ang limang OFWs sa Philippine Overseas Labor office at napabalik sa bansa nitong Setyembre.