Senior citizens ­hinikayat ­magpa-flu vaccine

Sa webinar ng Philippine Foundation for Vaccination, giit ni dela Vega na dahil sa COVID-19, mas mataas ngayon ang panganib na makuha ng mga senior citizens ang flu o trangkaso dahil habang nagkaka-edad ay humihina ang resistensiya kaya importante na mabakunahan laban sa flu at iwas sa mga komplikasyon tulad ng pneumonia, heart attack, at stroke.
Walter Bollozos, File

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Dr. Shelley dela Vega, director ng   Institute of Aging ng UP-Manila ang mga senior citizens na magpabakuna laban sa flu o trangkaso matapos na lumabas sa pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) na isa ang flu o trangkaso sa karaniwang sakit na nakukuha ng mga 60 taong gulang pataas. 

Sa webinar ng Philippine Foundation for Vaccination, giit ni dela Vega na dahil sa COVID-19, mas mataas ngayon ang panganib na makuha ng mga senior citizens ang flu o trangkaso dahil habang nagkaka-edad ay humihina ang resistensiya kaya importante na mabakunahan laban sa flu at iwas sa mga komplikasyon tulad ng pneumonia, heart attack, at stroke. 

Aniya, bukod sa misconception ng side effects ng bakuna at hindi easily accessible ang mga bakuna, lumabas din sa isang pag-aaral na tatlo lamang sa 10 nakatatanda ang may kaalaman sa pagpapabakuna at ito ay tinatawag na ‘ageism’. 

“Ageism ‘yung paniniwala na, “ay, matanda na ako. Hindi ko na kailangan ng bakuna. Ibigay na lang sa mas nakababata ang bakuna.’ “ ani dela Vega.

Bagama’t patuloy ang libreng flu vaccine, sinabi ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes na 10% lamang sa senior citizens ang nabakunahan. 

“Ang mababang numero ng mga nagpapabakuna laban sa flu ay dulot pa rin ng vaccine hesitancy at kakulangan sa kaalaman. Hindi kami titigil hanggang hindi nababakunahan ang lahat ng ating senior citizens laban sa flu. Ang layunin namin dito ay walang iwanan. No senior citizens will get left behind”, ani Ordanes.

Show comments