Duterte aprubado COVID-19 vaccination ng mga bata, 'general public' sa Oktubre

Children enjoy playing at the Bernardo Park in Quezon City on July 10, 2021. Kids five years old and above are now allowed outdoors in areas under general community quarantine and modified general community quarantine after the Inter-Agency Task Force approved the proposal.
The STAR / Boy Santos

MANILA, Philippines — Pormal nang gugulong ang pagpapabakuna laban sa namamatay na coronavirus disease (COVID-19) ng mga ilang menor de edad at kabuuan ng adult population sa susunod na buwan, pagkukumpirma ng Malacañang ngayong araw.

Ang anunsyo ay inilabas ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang media briefing ngayong Martes.

"Magsisimla na po ang pagbabakuna sa general population itong buwan ng Oktubre," banggit ng tagapagsalita ng presidente kanina.

"Ito po ay inaprubahan na ng [Pangulong Duterte] sang-ayon po sa advise ni vaccine czar Carlito Galvez Jr."

 

 

Sa ngayon kasi, tanging mga healthcare workers, senior citizens, mga may comorbidities at working popoulation at mga mahihirap (priority listing A1-A5) pa lang ang binibigyan ng bakuna laban sa nakamamatay na virus.

Ayon sa huling tala ang Department of Health (DOH) nitong Lunes, umabot na sa 2.5 milyon ang tinatamaan ng sakit simula nang makapasok ito sa bansa noong 2020. Sa bilang na 'yan, patay na ang 37,494.

"Magsisimula na rin po ang ating pagbabakuna ng ating mga kabataan pero ang ating hinihikayat ngayon ay magpa-master listing na po ang magulang ng mga kabataan para mapalistahan na 'yung mga kabataan kapag nagsimula na tayo," dagdag pa ni Roque.

"Inaasahan po nating magsisimula po tayo sa buwan ng Oktubre. Aprubado na rin po 'yan ng ating presidente."

Una nang sinabi ng DOH na magsasagawa muna sila ng mga pag-aaral pagdating sa kaligtasan ng COVID-19 sa mga menor de edad. Bukod pa rito, hindi pa inirerekomenda noon ng kagawaran ang pagbabakuna sa kanila dahil sa kakulangan ng suplay ng mga gamot.

Matatandaang nabigyan na ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration ang paggamit ng Pfizer at Moderna COVID-19 vaccines sa mga batang 12-17 taong gulang.

Hindi pa naman sumasagot ang DOH sa panayam ng Philstar.com kung maaari nang ibigay ang Pfizer o Moderna sa lahat ng 12-17 years old o kung para lang ito sa mga batang may comorbidity sa susunod na buwan.

Umabot na sa 20.58 milyon ang nakakukuha ng kumpletong doses ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas mula sa kabuuang 44.36 milyong doses na naituturok, ayon sa mga pinakabagong datos na inilabas ni Roque ngayong araw.

Show comments