MANILA, Philippines — Inilinaw ng Department of Education (DepEd) ngayong araw ang mga estudyante't gurong pwedeng lumahok sa pagbabalik ng harapang mga klase sa gitna ng COVID-19 pandemic, bagay na nahinto simula 2020 dahil sa papatinding banta ng nakamamatay na sakit.
Ang nabanggit ay inilatag ni Roger Masapol, director IV ng Office of the Director ng DepEd, sa joint press briefing kasama ang Department of Health (DOH).
Related Stories
"Let me walk you through the salient features of the signed joint circular between the DepEd and the DOH," wika ni Masapol ngayong Lunes ng umaga.
"We had a tedious process of developing these joint guidelines with the DOH."
Sa mga estudyante:
- Walang existing comorbidites o karamdamang mataas ang risk sa COVID-19
- Dapat kayang lakarin mula bahay hanggang eskwela, may pribadong transportasyon o may regulated na pampublikong transportasyon
- Kinder hanggang Grade 3 lang, maliban sa limang pilot senior high schools (SHS)
- Boluntaryo, may pirmadong pagpayag ng mga magulang
- Hangga't maaari, mga estudyanteng nasa loob ng lungsod o munisipalidad kung nasaan ang eskwelahan
- ipraprayoridad ang may pinakamalalaking pangangailangan para sa harapang pagtuturo kung nariyan pa ang mga slots
Mga guro:
- 65-anyos pababa na walang comorbidities
- Dapat "fully vaccinated" ang lahat ng school personnel na lalahok
Matatandaang una nang inanunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque at Education na magbabalik ang limitadong face-to-face learning para sa 100 eskwelahang nasa low-risk areas para sa COVID-19, kasama ang 20 pribadong eskwela. Ang paunang face-to-face classes ay tatagal ng dalawang buwan.
Hindi pa naman makapaglabas sa ngayon ng pinal na listahan ng higit 100 eskwelahang lalahok sa mga naturang pilot implementation. Gayunpaman, 638 paaralan na ang inirekomenda ng Regional Directors matapos pumasa sa eligibility criteria kasama na ang resulta ng School Readiness Assesment Tool (SRAT).
"The expansion will depend on the result of the evaluation of the pilot-to-face [learning]," sambit pa ni Masapol.
Mga limitasyon sa loob ng silid-aralan
Para maiwasan ang hawaan ng COVID-19 sa loob ng mga klase, labis ding lilimitahan ang mga pisikal na pagtuturo.
Ganito ang magiging itsura ng mga class room oras na ipatupad ang limited face-to-face learning sa Pilipinas:
- Maximum 12 estudyante sa Kinder (kada klase)
- Maximum 16 estudyante mula Grade 1 hanggang 3 (kada klase)
- Maximum 20 estudyante sa SHS (kada klase)
- Maximum 12 SHS students sa laboratory workshops/science laboratories
Ipapatupad din ang mga sumusunod para matiyak ang kaligtasan ng teaching personnel at mga bata:
- Pagkakaroon pa rin ng blended learning approach
- Isang linggong dire-diretsong face-to-face learning, isang linggong dire-diretsong distance learning (salitan)
- Pag-aayos ng mga class schedules para magkaroon ng oportunidad ang lahat ng qualified learners na makadalo sa face-to-face classes
- Iisang guro kada klase mula Kinder hanggang Grade 3
- Sa SHS, tanging ang mga klaseng kailangan ng laboratoryo/workshops ang papayagan para sa face-to-face, habang lahat ng ibang subject ay magsasagawa ng de modality
- Maximum ng 4.5 oras na panantili sa mga eskwelahan, maliban sa Kindergarten (maximum 3 oras sa paaralan)
Hindi rin papayagan ang mga group work na nangangailangan ng close contact. Pagbabawalan din ang mga malalakihang pagtitipon at aktibidad. Kaasabay nito, magkakaroon din ng "staggered break times."
Kwestyon sa full vaccination ng teachers
Bagama't hinihingi ng naturang joint circular ng DOH at DepEd na nakakuha na ng kumpletong COVID-19 vaccines ang lahat ng teaching at non-teaching staff, ilang dalubhasa naman ang nagsasabing hindi ito dapat iobliga, ngunit sa halip ay i-encourage na lamang.
"Siyempre sa side ng health sector, hangga't sa maaari na lahat ng humaharap sa bata ay bakunado, 'yun ang gusto naming mangyari," wika ni Dra. Anna Ong-Lim, miyembro ng Technical Advisory Group na nagbibigay ng payo sa DOH at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa parehong briefing kanina.
"But alam din natin na medyo nagiging usapin din sa pulng individual's rights to decide for themselves kung sila ay magpapabakuna o hindi."
"As a child health professional, I would encourage na sana lahat ng haharap sa bata, whether sila ay nasa tahanan o nasa paaralan, ay isa-alang-alang nila na ang karamihan sa mga bata ay hindi mababakunahan. And the way by which we can protect the children that we encounter is for ourselves to be careful."
Iprinesenta ang naturang vaccination requirement sa mga guro matapos unang sabihin ni Briones na papayagang magturo ang mga gurong 65-anyos pababa kahit hindi bakunado, basta't walang comorbidities.
Ika-21 lang ng Setyembre nang sabihin ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), isang asosasyon ng nasa 2,500 pribadong paaralan, na tinitignan nila ang posibilidad ng pagre-require ng COVID-19 vaccination sa kanilang mga kaguruan na lalahok sa nasabing face-to-face classes.