Pagbubukas ng mga gym papayagan na

An employee works out in a private company gym in Manila.
Joey Mendoza, file

MANILA, Philippines — Posibleng pabuksan na rin ang mga gym habang umiiral ang bagong alert level system dahil sa pangangailangan ng ehersisyo para sa mapalakas ang resistensiya laban sa sakit lalo na sa gitna ng nararanasang pandemya sa COVID-19.

Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez  nitong Linggo na hinihiling na nila sa Inter-Agency Task Force for the Ma­nagement of Emer­ging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagan ang muling operasyon ng mga gym sa bansa sa 10% capacity.

Ang Metro Manila ay nasa ilalim ng Alert Level 4 simula Setyembre 16-30, kung saan pinayagan lamang na makapagbukas ang mga restaurant at mga salon sa limitadong kapasidad.

“’Yung susunod po nating ipapa-allow, dahil sa prinsipyo ng exercise, ay ‘yung gym. Pinag-iisapan ‘yan. ‘Yung exer­cise kasi nakakataas ng immunity,” ani Lopez.

Maari rin aniya na obligahin na lamang ang gym operators na mag­lagay ng air purifiers.

Samantala, sinabi rin ni Lopez na nakumpleto na nila ang panuntunan o guidelines sa pagsusuot ng face shields, at ilalabas na ito sa lalong madaling panahon.

Show comments