Duterte pormal nang tinanggap ang nominasyon bilang VP bet

MANILA, Philippines — Pormal nang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban faction para tumakbo siya bilang vice president sa 2022 election.

Isang larawan ang inilabas ng PDP-Laban kung saan makikitang nilalagdaan ng Pangulo ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) na may petsang Sept. 17, 2021, ayon sa kopya ng dokumento na inilabas ni Melvin Matibag, Secretary-General ng PDP-Laban wing na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Kinumpirma naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na nakita niya ang release ng PDP-Laban pero sinabi rin niya na wala siyang physical access kay Duterte.

Sabi ni Roque, abangan na lamang ang mangyayari sa Oktubre 8 at sa Nobyembre 15 upang malaman kung magkakaroon ng substitution sa posisyong tatakbuhan ng Pangulo.

“Doon sa tanong na wala na bang pagbabago? Well, tingnan po natin kung ano ang mangyayari sa October 8 at saka sa November 15, kung hindi po ako nagkakamali, iyon po iyong last day for substitution,” ani Roque.

Ang filing ng certificates of candidacy para sa May 9, 2022 polls ay mula Oct. 1-8. Ang mga kandidato na bigong makapagsumite ng CONA na pirmado ng kanilang kinaanibang partido ay ituturing na independent candidates.

Una nang tinanggap ni Duterte ang nominasyon sa kanya ng grupo ni Cusi sa national assembly ng PDP-Laban noong Setyembre 8, 2021.

Show comments