MANILA, Philippines — Pormal nang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang nominasyon bilang kandidato sa pagka-bise presidente ng isang paksyon ng partidong PDP-Laban sa susunod na taon.
Ito ang kinumpirma ni Melvin Matibag, secretary general ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, sa Philstar.com matapos pirmahan ni Digong ang kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Related Stories
"Yes po," wika ni Matibag ngayong Huwebes sa isang text, na siyang sinundan din ng press release.
"PDP Laban has issued the Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) of President Rodrigo Roa Duterte, as the official candidate of the ruling party for vice president in the 2022 national elections," sabi ng pahayag kanina.
News5 exclusive! Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang Certificate of Nomination and Acceptance o CONA bilang opisyal na VP candidate ng PDP-Laban Cusi wing. Ayon kay Sec. Alfonso Cusi patunay ito na tatakbo talaga bilang VP ang pangulo. @onenewsph @News5PH pic.twitter.com/SbwWeV3U69
— Romel M Lopez (@romeltv5) September 23, 2021
Makikita sa larawan si Digong habang pinipirmahan ang naturang CONA na kumupumpirma sa kanyang pagtanggap ng nominasyon kasama si PDP-Laban president Cusi.
Ang CONA ay isang dokumentyong pinipirmahan ng isang bonafide member ng isang partido pulitikal para tanggapin ang ang nominasyon sa national at local elections. Gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) ang impormasyon bilang paghahanda at pagsasapinal ng listahan ng mga nominado para sa mga naturang grupo.
Nakatakda naman ang filing ng certificates of candidacy para sa May 2022 elections mula ika-1 hanggang ika-8 ng Oktubre, kung saan mapipinal na ang kandidatura ng isang tatakbo.
Agosto lang nang unang kumpirmahin ni PDP-Laban executive vice president Karlo Nograles na tinatanggap ni Duterte ang pagkakanomina sa kanya. Una nang ninomina ng partido si Sen. Christopher "Bong" Go sa posisyon ng pagkapresidente ngunit hindi pa rin ito opisyal na tinatanggap.
Nangyayari ito kahit na pinangalanan ng isa pang paksyon ng PDP-Laban, na pinangungunahan ng presidente nitong si Sen. Aquilino Pimentel III, si Sen. Manny Pacquiao bilang manok sa pagkapangulo sa 2022.
Ika-8 lang ng Setyembre nang maghain ng petisyon ang grupo nina Cusi para ideklara ng Comelec na iligal ang paksyon nina Pacquiao at Pimentel. Hindi pa naman nagdedesisyon ang Comelec kung sino ang lehitimong PDP-Laban, at kung kaninong slate talaga ang magiging opisyal na patatakbuhin ng administration party.
Handa naman daw tumakbong independent si Pacquiao sa pagkapangulo kung hindi mapipili ng Comelec ang kanilang paksyon bilang lehitimong PDP-Laban, ayon sa kanilang executive director na si Ron Munsayac. — may mga ulat mula sa News5