‘COVID-19 vaccination gawing mandatory’

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Lone District San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes na gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa lahat ng mga Pilipino sa bansa.

Si Robes ay naghain ng House Bill (HB) 10249 o “An Act Providing for Mandatory COVID-19  Vaccine for All Filipino Citizens Eligible to Receive the Vaccine”.

Sa ilalim ng panukala ay may mandato itong bakunahan ang lahat ng mga Pilipino at mga residente ng Pilipinas na kuwalipikadong makatanggap ng COVID vaccine.

Ang mga tatangging magpabakuna ay makukulong ng 30 araw at magmumulta ng P10,000.

Alinsunod rin sa HB 10249, ang lahat ng gastusin sa bakuna ay sasagutin ng gobyerno habang ang mga pribadong kumpanya ay maari ring bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado basta’t ibibigay lamang ito ng libre.

Hindi saklaw ng panukala ni Robes ang mga taong may ibang paniniwala sa relihiyon at maging ang mga may kondisyong medikal na makakasama ang pagbabakuna kung walang sertipikasyon ng mga doktor.

Sinabi ni Robes na  pa­ulit-ulit ang deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na ang bakuna ang isa sa pinaka-epektibong paraan upang maproteksiyunan ang mamamayan laban sa Covid-19.

Samantala ang mga fully vaccinated ay bibigyan ng Vaccine Pass para sa access ng mga ito sa public tourism resort, accommo-   dation, assembly o amusement center. 

Show comments