MANILA, Philippines — Tuluy na tuloy na ang pagbabalik klase ng ilang estudyante sa Pilipinas sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, pagkukumpirma ng Malacañang at Department of Education (DepEd) ngayong araw.
"In-approve na ni President [Rodrigo Duterte] ang pag-initiate ng pilot classes para sa face-to-face [learning]," ani Education Secretary Leonor Briones, sa isang media briefing ngayong Lunes.
Related Stories
"Maximum 100 schools muna tayo mag-umpisa para maobserbahan natin how it will work, tapos dinadagdagan natin ng 20 private schools na mag-submit sila ng kanilang plans."
Inilabas nina Briones at presidential spokesperson Harry Roque ang balita kanina matapos mahinto ang face-to-face learning para sa mga nasa pre-school, elementarya, high school at karamihan ng college students simula pa Marso 2020.
"Ito po ay sa mga lugar na low-risk na ide-determine po ng ating [Department of Health]. Kinakailangan po papasa sa safety criteria... safety assessment tool ng DepEd," ani Roque sa isang press briefing kanina.
"Kinaakailangan meron pong suporta ng [local government unit] sa pamamagitan ng isang resolution o letter of support, at kinakailangan meron pong written consent ng mga magulang ng learners."
Matatandaang Marso 2021 lang nang maunang aprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang limitadong face-to-face classes sa ilang tertiary schools sa bansa, lalo na para sa mga kursong may kinalaman sa allied health-related degree programs gaya ng medicine, nursing, medical technology/medical laboratory science, physical therapy, midwifery at public health.
Ginawa ang pagbabalik ng physical classes para sa ilang nasa kolehiyo para na rin makapagbigay ng dagdag manpower sa health system ng Pilipinas, matiyak ang "key learning outcomes" ng mga estudyante pagdating sa specialized laboratory courses at hospital-based clinical clerkship/internship/practicum.
Rekisitos bago simulan face-to-face classes
Kasama sa mga guidelines ni Duterte sa pilot implementation ng harapang mga klase ang:
- safety assessment ng DepEd
- pagpayag ng local government unit na magho-host ng pilot classes
- written consent ng mga magulang na nagpapakita ng pagpayag sa pagsali ng anak sa pilot classes
- kahandaan ng pasilidad ng DepEd sa mga hinihingi ng DOH para matiyak ang social distancing, tubig, gamot, atbp.
"Very, very strict ang health standards natin," patuloy ni Briones sa kanyang talumpati.
Ilan estudyante kada classroom ang pwede?
Lilimitahan lang din ang bilang ng mga estudyanteng papayagang pumasok nang pisikal sa kani-kanilang mga silid-aralan bilang pag-iingat sa COVID-19:
- kindergarten (hanggang 12 estudyante)
- grade 1 hanggang 3 (hanggang 16 estudyante)
- technical-vocational (hanggang 20 estudyante)
"Sa kindergarten to grade 3, three hours maximum," patuloy ng DepEd official.
"Dalawang buwan ito na bantayan nang husto talaga... Ang face-to-face na konsepto ngayon, iba sa... kilala natin na everyday... Sa lahat ng bansa, walang daily, continuous face-to-face. Talagang skine-schedule ito nang husto at strictly monitored."
Ang mga guro, kawani paaralan, atbp. na 65-anyos pababa na walang comorbidity ay papayagang sumali sa programa nabakunahan man laban sa COVID-19 o hindi.
Dagdag pa ni Briones, shared responsibility ng DepEd, DOH, IATF, LGUs at mga magulang ang paglulunsad ng nasabing pilot implementation. Kung may mga pagbabago sa risk assessment, posibleng matigil ang pilot implementation.
Sa huling tala ng DOH nitong Linggo, umabot na sa 2.36 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na ang 36,788 katao riyan.