MANILA, Philippines — Binanatan ng chair ng Senate blue ribbon committee si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pag-aabogado sa ilang indibidwal na iniuugnay sa pagsu-supply diumano ng overpriced na medical supplies noong 2020 sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.
Bahagi ito ng patuloy na imbestigasyon ng Senado sa "maanomalyang" transaksyon nina Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao kina Michael Yang, na siyang itinuturong financer ng kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corp.
Related Stories
"You are a cheap politician... as cheap as they come, Mr. President," ani Sen. Richard Gordon, chair ng naturang komite sa Senado, Biyernes.
"Ayaw nilang mahamon sila ng mga tanong na tila nahihirapan sila sagutin. Kaya di sila makasagot, ang tagasagot nila ngayon si Atty. Duterte. Nag-aabogado po si Atty. Duterte ngayon, hindi na siya pangulo ng Pilipinas."
I have said more than enough. I speak not for myself but for the Filipino people who are still afraid to stand against the corruption in this government. Never again will we allow this to happen. pic.twitter.com/bFJ8bdxTW4
— Richard J. Gordon (@DickGordonDG) September 17, 2021
Lunes lang nang hindi dumalo si Yang sa pagdinig ng Senado habang idininadahilan ang blood pressure.
Si Lao ang dating head ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) noong kinuha ng gobyerno ang mga kwinekwestyong mas mahal na face masks at shields mula sa Pharmally. Sinasabing nagsilbi si Lao bilang election lawyer ni Duterte noong 2016.
Hindi maipaliwanag noon ni Lao kung bakit kumukuha ng mask ang DBM-PS ng P16 hanggang P27 na face masks at face shields sa P120, gayong nakakakuha ang Philippine Red Cross ng P5 kada pirasong mask at P20 kada pirasong face shields.
Nagsilbi naman si Yang bilang dating economic adviser ni Duterte. Merong arrest warrants ngayon laban kina Yang at mga Pharmally executives habang meron din siyang immigration lookout order kasama si Lao.
"The truth, Mr. President, does not mind being questioned. Ang talagang nagma-mind po ay 'yung mga sinungaling," dagdag pa ni Gordon.
Inis ni Duterte sa Senate hearings
Huwebes lang nang iere ang pagbanat ni Digong si Gordon dahil sa kanyang pamamaraan ng pamumuno sa mga naturang pagdinig, habang tinatawag siyang "despot" at "pathological storyteller."
"We can’t get a thorough answer from the Senate because it is presided over by a despot, Gordon, who does the talking," aniya.
"He can’t help but talk and he interrupts the resource persons with questions and cutting them off and providing the answers that the answer of the resource persons could never have been completed. 'Di kumpleto kasi binabara niya to the point that the witness is following his theory na may corruption."
Ilang beses na rin sinasabi ng pangulo na maling sabihing "overpriced" ang mga personal protective equipment (PPE) na binili ng gobyerno noong nakaraangtlalo na't kinuha raw ito sa presyong mas mababa sa suggested retail prices na isinumite ng departments of trade and health noon.
Una na rin niyang sinabi na siya mismo ang nag-utos kay Health Secretary Francisco Duque III na magsagawa ng "rush purchase" ng PPEs noong simula pa lang ng pandemya.
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong usap-usapang tatakbo si Gordon sa pagkapangulo sa 2022 gayong tatakbo naman para sa pagkabise presidente si Duterte sa susunod na taon, ayon sa kanyang partidong PDP-Laban. — James Relativo