MANILA, Philippines — Muling nagmatigas ang Malacañang na hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga sinasabing extrajudicial killings dahil sa ilegal na droga.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nanindigan ang Pangulo na hindi dapat siya imbestigahan dahil gumagana naman ang mga hukuman sa bansa.
Noong pumayag ang Pilipinas na maging miyembro ng ICC, pumayag sila na puwedeng gumalaw ang ICC sa bansa kung ang mga hukuman ay hindi gumagana.
Idinagdag niya na hindi dapat magsimula ang imbestigasyon dahil labag ito sa “consent” o pagpayag ng gobyerno na aakto lamang ang ICC kung hindi kumikilos ang mga lokal na institusyon.
Ayon pa kay Roque, walang naging reaksiyon si Duterte nang iparating niya ang gagawing pormal na imbestigasyon ng ICC.
Nauna na aniyang sinabi ni Duterte na mamamatay muna siya bago haharap sa dayuhang huwes.
Kung mayroon anyang reklamo ay dapat isampa dito sa Pilipinas dahil walang jurisdiction ang ICC sa bansa.
Ipinahiwatig pa ni Roque na walang pakialam si Duterte kung anong gustong gawin ng ICC lalo pa’t sa desisyon ng Pre-Trial Chamber ng ICC ay hindi dapat itinutuloy ang imbestigasyong kung walang posibilidad na magkakaroon ng matagumpay na prosekusyon.