MANILA, Philippines — Luluwagan ang ilang quarantine restrictions sa National Capital Region simula ika-16 ng Setyembre ngayong ilalagay na ito sa Alert Level 4 bilang bahagi ng bagong panuntunan sa pagkontrol sa COVID-19 infections.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, napagkasunduan ito ng Metro Manila mayors na ilagay sa pare-parehong alert level ang Kamaynilaan.
Related Stories
"Alert Level 4 lang ang gagawin nila at magtutulong-tulong sila para mapababa yung numero. At ang objective ay mapababa sa Alert Level 3," wika niya sa panayam ng GMA News, Martes.
Sa panibagong alert systems, papalitan ng mga maliliitang granular lockdowns ang pagla-lockdown ng mga buong mga rehiyon at lungsod at magfo-focus na lang sa pagsasara ng mga lugar kung saan mismo naroon ang konsentrasyon ng infections. Layon nitong mapatakbo uli ang ekonomiya at makabalik ang marami sa trabaho habang hinihigpitan ang maraming hawaan.
Linggu-linggong pagdedesisyunan ng Department of Health ang alert levels ng mga lugar batay sa hawaan ng COVID-19, hospital bed utilization at instensive care utilization.
Naka-pilot implementation ang alert level systems sa Metro Manila at karaniwang community quarantine classifications pa rin ang iiral labas nito.
Alert Level 4? Ano 'yun?
Batay sa mga guidelines na inilabas nitong Lunes, tumutukoy ang Alert Level 4 sa mga lugar na may matataas at tumataas na COVID-19 case counts, kung saan high utilization din ang total bed utilization rate at intensive care unit utilization rate.
Gayunpaman, pinapayagan ang:
- 30% capacity outdoor dining
- 10% indoor dining services (para lang sa mga kumpleto ang bakuna)
- 30% capacity ng mga barberya, hair spa, nail spa at salon kung meron silang upuan sa labas; 10% lang ang papayagan sa mga lugar kung indoor ito ngunit para lang sa mga fully-vaccinated
- 30% capacity sa mgas religious gatherings kung may outdoor venur; limitado sa 10% capacity sa mga indoor venues (para lang sa mga kumpleto ang bakuna)
Pagbabawalan naman sa Alert Level 4 ang:
- indoor visitor o tourist attractions, silid-aklatan, archives, mga museo, gallery, cultural shows at exhibits
- indoor venues para sa mga pulong, conferences, conferences at events
- indoor na mga sinehan at mga venue kung saan may live performers gaya ng karaoke bars, bars, clubs, concert halls at mga teatro
- lahat ng mga amusement parks/theme parks, peryahan, kid amusement industries gaya ng playgrounds, playroom, at kiddie rides
- indoor recreational venues gaya ng internet shops, bilyaran, arcades, bowling alleys at mga katulad na lugar
- indoor na harapang mga klase, pagsusulit at iba pang mga aktibidad na pang-edukasyon, maliban na lang 'yung mga una nang naaprubahan ng IATF at/o Office of the President
- mga casino, karerahan ng kabayo, sabungan, lotto at betting shops at iba pang gaming establishments maliban na lang sa mga papayagan ng IATF o Office of the President
- social events gaya ng mga konsyerto at parties, reception ng kasal, engagement parties, wedding anniversaries, debut at birthday parties, family reunions, bridal at baby showers, parada, prusisyon, motorcade at pagtitipon sa mga bahay kasama ang ibang tao labas sa mga kasali sa immediate household
- indoor sports venues, fitness studios, gyms, spas o iba pang mga indoor leisure centers o pasilidad at mga swimming pool
- lahat ng contact sports, maliban na lang sa mga nasa loob ng bubble-type set-up na sumusunod sa mga guidelines na itinakda ng IATF; dapat aprubado ng lokal na gobyernong pagdarausan
- mga serbisyo gaya ng medical aesthetic clinics, cosmetic o derma clinics, make-up salons, reflexology, aesthetics, wellness, at holistic centers at iba pang kahalintulad na lugar; acupuncture at electrocautery establishments, massage therapy kasama na ang sports therapy establishments; lugar na nagbibigay ng tanning services, body piercings, pagpapatato, atbp.; bawal ang home service ng lashat ng nabanggit
- specialized markets ng Department of Tourism gaya ng Staycations
Lahat ng mga hindi nabanggit ay papayagang tumakbo ng 100% capacity, ngunit hinihikayat na limitahan ang kapasidad at pagpapatupad ng flexible work arrangements.
Ika-8 pa dapat ipinatupad ang alert level system ngunit ipinagpaliban ito dahil hindi pa natatapos ang mga guidelines noon.
Sabado nang maitala ang 26,303 kaso sa iisang araw lang, ang pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas. Umabot na sa 2.24 milyon ang tinatamaan ng sakit sa bansa habang 35,307 na sa kanila ang namamatay. — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio