Militarisasyon sa halalang 2022 ipinatitigil ng int'l human rights investigators

Binabantayan ng mga sundalong ito ang mga manggagawa, ika-23 ng Mayo, 2021, habang itinatayong muli ang gusaling nagsilbing "main battleground" noong 2017 Marawi Seige sa Mindanao. Umabot sa mahigit 1,000 ang napatay sa nasabing bakbakan ng Islamic State-inspired terrorists at gobyerno.
AFP/Ferdinandh Cabrera, File

MANILA, Philippines — Nananawagan ngayon ang isang international initiative na nag-iimbestiga sa human rights abuses sa Pilipinas na itigil ang malawakang militarisasyon ng gobyerno sa paparating na eleksyon, bagay kailangan daw para matiyak na ligtas at malinis ito para sa lahat.

Ilan lang ito sa mga rekomendasyon ng Independent International Commission of Investigation into Human Rights Violations in the Philippines (Investigate PH) sa paparating na May 2022 elections sa gitna ng sari-saring "paglabag ng karapatang pantao" sa bansa sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"On the 2022 elections, the recommendation is that the world must ensure the safety of election officers and volunteers, the voters and the general public and cease the militarization of communities to make sure that the integrity of the May 2022 presidential elections is maintained," ani Australian Greens Sen. Janet Rice, high commissioner ng Investigate PH, Lunes.

"And wherever possible, there need to be international election observer missions to be present during the election campaign, and the voting and the counting."

Ang naturang mungkahi ay bahagi ng ikatlo at huling report ng Investigate PH sa human rights situation ng bansa, na siyang isusumite sa International Criminal Court (ICC) ngayong Setyembre bilang suporta sa kanilang full investigation sa pinaghihinalaang "crimes against humanity" ni Duterte kaugnay ng madugong "war on drugs" at extrajudicial killings ng administrasyon.

Kadalasang iniuugnay ng mga human rights groups ang mga politically-related extrajudicial killings sa militarisasyon at red-tagging ng mga progresibo't mamamayang tumitindig sa mga isyu sa kanayunan.

Inilabas ang report ngayong nag-anunsyo na si Duterte na tatakbo siya sa pagkabise presidente sa 2022 sa ilalim ng partidong PDP-Laban.

50 emblematic cases

Kasama sa mga tinutukan ng independent international probe sa kanilang tatlong reports ang 50 emblematic cases ng human rights violations sa ilalim ni Duterte, gaya ng masaker ng siyam na katutubong Tumandok nitong Disyembre 2020 at "Bloody Sunday" massacre sa siyam na aktibista nitong Marso.

Tinitignan din ngayon ng ikatlong report ang "economic, social and cultural rights" na nalabag ng administrasyon, pati na ang pagkakait ng "people's rights to self-determination, development and peace."

Matatandaang Marso at Hulyo lang nang maglabas ng kanilang una't ikalawang report ang inisyatiba pagdating sa kalagayan ng bansa, na layong magamot para ma-"substantiate" ang ulat ng Office of the High Commissioner on Human Rights (OHCHR) nitong Hunyo 2020 para masimulan ang international accountability mechanisms.

 

 

'ICC investigations kaya pa rin'

Nitong Hunyo lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na walang maaasahang kooperasyon ang ICC mula sa gobyerno ng Pilipinas ngayong nire-request ng korte ang imbestigasyon sa reklamong "crimes against humanity" sa madugong gera kontra droga ng bansa.

Ito'y dahil hindi na raw miyembro ng ICC ang Pilipinas noong Marso 2019 at gumagana naman daw ang local judicial system sa bansa.

Pero paglilinaw ni Peter Murphy, chairperson ng Investigate PH Core Working Group, pwedeng-pwedeng maimbestigahan ng ICC si Duterte para sa mga naturang krimen bago tuluyang kumalas dito ang Pilipinas.

"Anything up to the time when the Philippine withdrew from the ICC is able to be investigated and charges are brought. So that's up to March 2019," ani Murphy kanina.

"I think the Supreme Court of the Philippines has advised the president that he must cooperate with the ICC. Let's see how that plays out."

Ilang buwan nang humihingi ng "judicial authorization" ang dating ICC prosecutor na si Fatou Bensouda para simulan na ang imbestigasyon sa Pilipinas, matapos ang isinagawa nilang preliminary examination sa bansa.

Kasabay ng pagtutulak sa ICC na ituloy ang imbestigasyon nito sa bansa, inirerekomenda ngayon ng grupo na mag-authorize na ang United Nations Human Rights Council ng independent investigation sa rights violations sa Pilipinas simula nang lumabas ang June 4, 2020 report ng High Commissioner for Human rights. 

 

 

— James Relativo

Show comments