MANILA, Philippines — Maaaring humarap sa patung-patong na kaso sa korte ang mga naglabas ng video ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte habang pinagsisigawan ang ilang doktor sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kamakailan.
Biyernes kasi nang kumalat ang video ni presidential spokesperson Harry Roque habang naiimbyerna sa healthcare workers na nananawagan ng mas mahihigpit na lockdowns sa pagtaas ng COVID-19 cases, habang nanggagalaiti dahil "wala" raw sinasabi ang mga nabanggit na mabuti sa government pandemic response.
Related Stories
"Sa tingin ko po, liable [sila sa Data Privacy Act at Anti-Wiretapping Law]," ani presidential spokesperson Harry Roque, Lunes sa isang briefing.
"At liable din po for revealing public secrets. Pero hahayaan ko na po 'yan sa IATF."
'Sikreto' ang laman ng IATF meetings
Una nang sinabi ni Roque na sikreto ang mga pulong ng IATF, kung saan pinagdedebatihan kung ano ang ibababang quarantine restrictions sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa sa pagtindi ng pandemya.
Depensa ni Roque, nag-init ang kanyang ulo dahil sa kailangan na raw magtrabaho ng taumbayang nagugutom at apektado ng kaliwa't kanang COVID-19 restrictions. Pinalagan kasi nina Philippine College of Physicians President Dr. Maricar Limpin ang unang desisyon na ibalik sa General Community Quarantine ang Kamaynilaan. Ani Roque, "nagsasalita lamang siya para sa mga gutom" na "walang boses" sa IATF meetings.
Humingi naman na siya ng tawad sa pagiging "emosyonal" niya, na nakikita ng marami bilang verbal abuse sa naghihirap na healthcare workers, ngunit hindi hihingi ng tawad para sa kanyang mensahe.
Sabado lang nang maabot ng Pilipinas ang record-high new COVID-19 cases sa iisang araw lang sa kasaysayan sa bilang na 26,603. Ipinapanawagan ngayon nang ilang manggagawang pangkalusugan na lalo pang maghigpit para na rin kumalma ang hirap na hirap nang healthcare system ng bansa dahil sa dami ng kaso.
'Si Duterte lang pwede magsisante sa akin'
Hindi naman daw magbibitiw sa pwesto si Roque dahil sa kanyang inasal sa kabila ng iba't ibang grupong nabastusan at dismayado sa dating human rights lawyer.
"Unfortunately, only the president can fire me, and only the president can fire [Health Secretary Francisco Duque III]," sambit pa niya kanina.
Matatandaang sinabi ni Philippine College of Physicians President Dr. Maricar Limpin na dapat nang tanggalin ni Duterte si Roque bilang kanyang spokesperson at humingi ng paumanhin sa mga healthcare workers.
Idiniin din niyang lalo pang sisipa ang mga kaso kung itutuloy ng gobyernong luwagan ang mga restriksyon habang hindi naman umiigi ang mga numero.
"Talagang uncalled for and this is an act that is not expected from a government official," ani Limpin, na isa sa mga personal na sinigawan ni Roque.
"The president should actually remove him from office. Ang spokesperson, dapat malumanay. Hindi dapat 'yung ganyan na mga outburst... It's a disservice to the president 'yung ginawa ni Secretary Roque."
Sinabi naman ni Dr. Antonio Dans, convener of Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 at isa rin sa pinagtaasan ng boses ni Roque, kanina na hindi sila magpapasindak sa Malacañang mula sa naturang insidente.
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong "provisionally aproved" na ng IATF ang panibagong COVID-19 alert systems at quarantine classifications na maglalagay na lang sa Pilipinas sa mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) o GCQ with alert levels.
Gayunpaman, pinag-uusapan pa naman daw at ipinaplantsa ang mga specifics nito, saad pa ng Palasyo kanina. Kasalukuyang nasa mahigpit-higpit na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) pa ang National Capital Region hanggang ika-15 ng Setyembre.