MANILA, Philippines — Muling nabasag ang pinakamataas na rekord ng arawang kaso ng COVID-19 makaraang makapagtala nitong Sabado ng hapon ang Department of Health (DOH) ng 26,303 bagong kaso base sa ipinadalang resulta ng mga testing laboratories sa bansa.
Sa Case Bulletin No. 546, umakyat na sa 2,206,021 ang kabuuang indibiduwal na tinamaan ng COVID-19 magmula nang maitala ang unang kaso noong Marso 2020.
Nakapagtala ng 27.6% positive rate sa 75,688 indibidwal na isinalang sa COVID-19 tests nitong Setyembre 9.
Nasa 16,013 pasyente ang gumaling kahapon kaya tumaas ang recoveries sa 1,985,337.
Umabot sa 79 pasyente ang nasawi kahapon kaya naitala ang death toll sa 34,978.
Naitala naman ang mga aktibong kaso sa 185,706.
Sa mga aktibong kaso, 85.3% nito ay mild cases, 10.2% asymptomatic, 0.6% kritikal, 1.3% severe at 2.56% moderate cases.
Sa buong bansa, nakapagtala ng utilization rate na 76% sa ICU beds, 68% isolation beds, 73% ward beds at 56% ventilators.