'Secret na pulong iyon': Roque nag-sorry nang manigaw ng mga doktor sa IATF meeting

Makikita sa larawan si presidential spokesperson Harry Roque habang humihingi ng tawad para sa kanyang paninigaw sa healthcare workers na humihiling ng "hard lockdowns" bilang pagharap sa lumalalang COVID-19 situation ng Pilipinas, ika-10 ng Setyembrem 2021
Video grab mula sa Youtube channel ng PTV4

MANILA, Philippines — Humingi ng dispensa si presidential spokespreson Harry Roque matapos kumalat ang video ng kanyang paninigaw sa ilang healthcare workers na humihiling na ilagay sa mahihigpit na lockdowns ang bansa buhat ng pagtaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Nag-viral kasi ngayong araw ang video kung saan binubulyawan ni Roque si Dr. Maricar Limpin, presidente ng Philippine College of Physicians, na siyang humihiling na bawiin ang pagluluwag ng quarantine restrictions sa Metro Manila dahil sa record-high COVID-19 cases.

"Kinukumpirma ko po na tayo po'y naging emosyonal, pasensya naman po kayo, tao lamang, doon sa rekomendasyon ng dalawang doktor... na mag-impose ng hard [enhanced community quarantine] lockdown [sa Metro Manila]," wika ni Roque sa isang media briefing, Biyernes.

"Kung meron po akong na-offend sa aking pananalita, well, humihingi po ako ng abiso. Pero kinakailangan na pong pakinggan natin 'yung boses ng mga hindi naririnig sa [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases], ang hanay ng naghihirap at nagugutom."

Sinasabing nakunan ang video bago inanunsyo ni Roque ang pagbawi sa una nang idineklarang mas  maluwag na general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region nitong Martes.

Paliwanag ni Roque, nag-init ang kanyang ulo dahil sa marami nang nagugutom sa maya't mayang pagpapatupad ng lockdowns sa gitna ng COVID-19 pandemic. Kinakailangan daw kasing balansehan ang kalusugan at pagbabalik sa trabaho ng taumbayan.

Nagtataka rin daw siya kung bakit kailangang manawagan ng hard lockdowns at ECQ gayong halos kalahati na raw ng Metro Manila ang nababakunahan laban sa COVID-19.

"Classified secret ang mga pagpupulong ng IATF... kasi lahat po ng desisyon ng IATF, makakaapekto sa lahat ng Pilipino ke mayaman, ke mahirap," dagdag pa niya.

"Kinakailangan po talaga, magkaroon ng debate dahil kung wala... baka mamaya hindi makagawa ng tamang desisyon ang IATF. Gayunpaman, lumabas na po 'yan."

Dagdag pa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi rin naman daw pala-asa sa ayuda ang mga Pilipino at pabor magtrabaho kung bibigyan ng pagkakataon.

Sa video na inilabas ng Inquirer.net, makikitang nanggagalaiti si Roque dahil sa "wala" na raw siyang naririnig sa mga grupo ng healthcare workers na mabuting ginawa ng gobyerno.

How dare you think that we are not considering steps to prevent the loss of lives? ... And let me point out to everyone: this group, they have never said anything good about government response!

Kasalukuyang nasa mahigpit-higpit na modified enhanced community quarntine (MECQ) ang Metro Manila hanggang ika-15 ng Setyembre.

'Humingi ka ng tawad, bastos ka'

Huwebes lang ng gabi ng pinagso-sorry ni Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force against COVID-19, si Roque dahil sa kanyang inasal.

Hindi man binanggit ni Leachon nang direkta ang pangalan ni Roque, swak na swak ito sa lumabas na video.

"Heard about a Cabinet Secretary assaulting physician leaders during the last IATF meeting. We deserve an apology for this rude behavior!" sambit ni Lechon sa isang tweet.

"Verbal abuse!"

Kagabi lang nang makapagtala uli ng record-high ang Pilipinas pagdating sa bagong COVID-19 cases sa iisang araw lang — nasa 22,820.

Umabot na sa 2.16 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula nang magsimula ang pandemya. Sa bilang na 'yan, patay na ang 34,733 katao.

Ilang beses nang humihingi ng mas mahihigpit na lockdowns ang mga manggagawang pangkalusugan sa gobyerno para na rin makahinga ang healthcare capacity ng bansa.

Kasabay nito, patuloy pa rin ang paghiling ng mga progresibong grupo ng karagdagang ayuda mula sa pamahalaan upang makaagapay ang karaniwang tao dahil sa epekto ng lockdowns.

Show comments