10 doktor ng PGH nagbitiw

Hindi rin malinaw kung may kaugnayan ang pagbibitiw ng mga doktor sa banta noong Agosto ng mga grupo ng mga HCWs na magbibitiw dahil sa hindi pagtanggap ng kanilang mga benepisyo.
AFP / File

MANILA, Philippines — Nag-umpisa na ang bantang ‘mass resignation’ ng mga healthcare wor-kers makaraang 10 volunteer doctor ng Philippine General Hospital ang nagbitiw na sa kanilang trabaho.

Kinumpirma ito ni Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, na umamin din na malaking kawalan sa kanila ang pag-alis ng 10 doktor.

“Wala naman po kaming masabi dahil nagtrabaho sila sa PGH and their decision to leave ay personal na po ‘yun. We honor that. Nung nag-resign malaking kawalan po sa amin ‘yun,” ayon kay Del Rosario.

Iginagalang umano nila ang desis­yon ng mga doktor na hindi na nila pinangalanan pa.  Nabatid na mula sa Department of Health (DOH) sila at may suweldo na P50,000 kada buwan.

Sa dahilan ng kanilang pagbibitiw, sinabi ni Del Rosario na hindi nila ito matiyak dahil sa may iba’t ibang mga kadahilanan na maaaring nagtulak sa kanila.

“Maybe I can just hypothesize, maybe napagod na rin, maaring ‘yung iba nagkakasakit, they probably look at the PGH, masyadong maraming trabaho, and they can probably be earning more if they just work outside,” dagdag pa niya.

Upang mapunan ang kanilang pagkawala, hiniling na ng pamunuan ng PGH sa ibang departamento na tumulong sa pagtugon sa mga COVID-19 patients na naka-admit sa kanila.

Hindi rin malinaw kung may kaugnayan ang pagbibitiw ng mga doktor sa banta noong Agosto ng mga grupo ng mga HCWs na magbibitiw dahil sa hindi pagtanggap ng kanilang mga benepisyo.

 

Show comments