MANILA, Philippines (Updated 12:46 p.m.) — Patuloy sa paglakas ang Typhoon Kiko ngayong araw habang nasa Philippine Sea gayong kumikilos naman pakanluran sa West Philippine Sea ang Tropical Storm Jolina, ayon sa state weather bureau.
Bandang 10 a.m. nang mamataan ang mata ng bagyong "Kiko" 670 kilometro silangan ng Baler, Aurora, ayon sa pagtataya ng PAGASA.
- Lakas ng hangin: 195 kilometro kada oras
- Bugso ng hangin: 240 kilometro kada oras
- Direksyon: pakanluran
- Pagkilos: 20 kilometro kada oras
Naobserbahan naman ang bagyong "Jolina" sa parehong oras 240 kilometro kanluran Dagupan City, Pangasinan kanina..
- Lakas ng hangin: 85 kilometro kada oras
- Bugso ng hangin: 115 kilometro kada oras
- Direksyon: pakanluran
- Pagkilos: 10 kilometro kada oras
Posibleng mag-landfall sa Cagayan ang bagyong "Kiko" habang nakikita namang lalabas ng Philippine area of responsibility si "Jolina" ngayong gabi.
Nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signals sa iba't ibang bahagi ng bansa dahil sa bagyong "Kiko":
Signal No. 1
- Cagayan kasama ang Babuyan Islands
- hilagangsilangang bahagi ng Apayao (Luna, Pudtol, Flora, Santa Marcela)
- hilagangsilangang bahagi ng Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon, Divilacan, Palanan)
Dahil diyan, nakakaranas o makararanas ng malalakas na hangin sa mga nabanggit na lugar sa loob ng 36 oras.
"Beginning tomorrow evening, heavy to intense with at times torrential rains due to the typhoon may be experienced over Cagayan including Babuyan Islands, and northern Isabela," ayon sa PAGASA tungkol sa bagyong "Kiko."
"Moderate to heavy with at times intense rains may also be experienced over Batanes and the rest of Isabela."
Sa susunod na 24 oras, mahihina hanggang katamtaman na may minsanang malalakas na pag-ulang mararanasang sa Palawan, Western Visayas at Zamboanga Peninsula dahil naman kay Jolina.
Bagong super typhoon? Signal No. 5?
Sa patuloy na paglakas ng bagyong "Kiko" hindi lang basta Signal No. 1 at typhoon category ang maaasahan dito sa mga susunod na oras at araw.
"We also have to take note na posible din siyang [Kiko] maging super typhoon, dahil po 'yung 205 kilometers per hour... is malapit na lamang doon sa super typhoon category threshold natin na 225 kilometers per hour," ani Benison Estareja, weather special ng PAGASA, kanina.
"Kung saka-sakali, 'wag naman sana, baka magtaas tayo ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 dito po sa may areas ng may Cagayan Valley."
Nakikitang mag-i-intensify pa ito hanggang maabot ang peak na 185 hanggang 205 kilometro kada oras na hangin mamayang gabi o ng umaga habang tinatawid ang mainland northern Luzon at Babuyan Islands. Maaari naman itong magsimulang humina sa Biyernes ng gabi o Linggo.