MANILA, Philippines — Habang idinidiin ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa gobyerno ang pagpraprayoridad ng pagbili ng mga gamot laban sa COVID-19, tila nagparinig naman siya tungkol sa posibilidad ng pagtakbo sa pagkaikalawang pangulo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte next year.
Lunes kasi nang manawagan sa gobyerno si Domagoso na unahin ang pagbili ng Tocilizumab at Remdesivir, ilang experimental treatment laban sa COVID-19 na kakarampot na lang ang suplay, bago ang face shields na siyang binibili sa "overpriced" na halaga ng Department of Budget and Management (DBM), ayon sa pagdinig ng Senado.
Related Stories
Kaso, initsapwera lang ito ng Malacañang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na tangka lang ito si Domagoso para makapanligaw ng mas maraming botante sa 2022:
"Kandidato rin ‘yan. Mark my word, hindi pa nag-aanunsyo ‘yan, pero sigurado akong kandidato... Kaya asahan natin ‘yung ganitong salita dahil kinakailangan nilang ligawan ang mamamayan."
"Ako talaga, magkwentas klaras na tayo [Duterte]. Anyways kakaharapin ko naman kayo sa Oktubre eh," wika ni Domagoso, Miyerkules ng umaga habang kaharap ang media.
"Pero bago dumating ang Oktubre, bumili muna kayo ng Tocilizumab."
Ika-1 hanggang ika-8 ng Oktubre ang filing ng certificate of candidacy ng mga nais tumakbo sa eleksyong 2022. Matatandaang kinumpirma ng mga kapartido ni Duterte sa PDP-Laban na tatakbo siya sa pagkabise presidente.
Giit pa ni Domagoso, lubha na kasi silang naaawa sa mga nakukuhang text mula sa mga residenteng nagmamakaawa makakuha lang ng Tocilizumab lalo na 'yung mga kritikal na ang kaso ng COVID-19.
Maraming beses na rin daw niya pinigilan ang damdamin ngunit mahirap daw kausap ang mga bingi.
Matatandaang binantaan ni Duterte ang isang Metro Manila mayor nitong Agosto na tatanggalan ng kapangyarihang mamigay ng ayuda sa gitna ng enhanced community quarantine. Ang paniwala ng marami, si Domagoso ang tinutukoy niya dahil "palahubad" daw, lalo na't dati siyang nasa showbiz.
"Nangangamatay ang tao, brad... Buhay ng tao ang nakasalalay, kaya 'wag niyo kaming sagutin nang pabalang. Ayaw namin kayong patulan, pero itinutulak niyo kami sa pader," dagdag pa niya.
"Magkikita tayo sa finals kung gusto niyo ng pulitika. May panahon kami para sa inyo. For now, magligtas tayo ng tao."
Nananawagan din ngayon si Domagoso kay Duterte na tanggalin na niya sa pwesto ang mga walang malasakit sa kapwa. Hindi pa malinaw kung si Roque ang kanyang tinutukoy.
Sa kabila ng lahat ng ito, wala pang pormal na anunsyo si Mayor Isko kung tatakbo siya sa pagkabise o pagkapresidente sa 2022. Gayunpaman, number two siya sa parehong posisyon sa huling inilabas na survey ng Pulse Asia noong Hulyo. — James Relativo